Default Thumbnail

Programa ni MGen. Estomo epektibong panlaban sa mga kriminal

December 28, 2022 Edd Reyes 300 views

Edd ReyesUMABOT na pala sa 155 mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nagbalik-loob sa pamahalaan mula nang umupo bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen, Jonnel Estomo.

Isa lamang ito sa mga magagandang hakbang na isinagawa ni MGen. Estomo dahil kahit mahirap himukin ang mga rebelde na talikuran na ang kanilang walang saysay na pakikibaka laban sa pamahalaan, unti-unti pa rin niya itong naisakatuparan na nakabatay sa panawagan ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. sa mga rebelde na sumuko na at manumpa ng katapatan sa pamahalaan.

Noon nga lang nakaraang Lunes, 55 mga rebeldeng NPA ang sumuko at nagsauli ng kanilang mga armas sa NCRPO, kasabay pa ng selebrasyon ng ika-54 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na malinaw na sampal sa pamunuan ng NPA.

Ang isa pa sa kapuri-puring hakbang na isinagawa ni MGen. Estomo ay ang paglulunsad ng programang S.A.F.E. NCRPO na dahilan upang maging tahimik at walang naganap na karahasan sa mga malalaking okasyon sa Metro Manila, kabilang na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Nakatulong talaga ng malaki ang programa ni Estomo dahil bukod sa bumaba ang antas ng krimen sa Kamaynilaan, marami pang mga wanted na kriminal at malalaking mga drug traders ang nadakip at nakumpisang mga ilegal na droga na patunay lang na tinik siya sa lalamunan ng mga kriminal.

Damned if you do and damned if you don’t

PARANG ang hirap ng kalagayan ngayon ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) dahil mukhang nahihirapan silang mapababa ang presyo ng mga produktong agrikultura ng hindi maaapektuhan ang mga magsasaka.

Sinisikap kasi ng DA na gumawa ng mga hakbang na hindi maaapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka at kasabay nito ay mapo-proteskiyunan naman ang mga consumers kaya mukhang naiipit sila sa dalawang nag-uumpugang bato.

Isang magandang halimbawa na nga lang ang pagsirit ng presyo ng produktong sibuyas na isa sa napakahalagang sangkap sa pagluluto na sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit P600.00 ang kada kilo gayung kailan lang ay naglalaro lamang ito sa P60 hanggang P80 kada kilo sa Divisoria.

Aminado naman ang maraming nagtatanim ng sibuyas na nakabawi sila ngayon kahit mahal ang pataba sa lupa dahil naibebenta nila sa mga mangangalakal sa mataas na halaga ang kanilang produkto.

Ang problema, nagngingitngit naman ang mga consumers dahil sa grabeng taas ng presyo ng sibuyas kaya ngayon naiisip ng marami na dapat daw ay umangkat ng sibuyas ang pamahalaan upang mapunan ang kakulangan sa supply at mapababa ang halaga nito sa merkado. Kapag umangkat naman ang pamahalaan, ang grupo ng mga magsasaka at iba’t-ibang organisasyon ang babatikos sa gobyerno, partikular sa DA, kaya para tuloy nalalagay sa alanganing katayuan ang mga opisyal ng ahensiya. Sabi nga sa english, damned if you do and damned if you don’t.

Sa buwan ng Pebrero sa susunod na taon, umaasa ang pamahalaan na magiging sapat na ang supply ng lokal na produksiyon ng sibuyas na magpapababa sa presyo nito sa merkado dahil sa panahong ito ang anihan kaya isa rin ito sa isinasaalang-alang ng pamahalaan para hindi na muna umangkat ng naturang produkto.

Sa puna at reaksiyon, mag-emali lang sa [email protected] o mag-text sa 0923-3478363

AUTHOR PROFILE