Paul Gutierez

Programa, Biyaya sa Bata at Matanda (PBBM)

March 5, 2024 Paul M. Gutierrez 238 views

RAMDAM na ramdam ang malasakit ni Pangulong Bongbong Marcos sa lahat ng sektor ng lipunan, partikular sa mga kabataan at nakatatanda.

Patunay ito nang lagdaan ng Pangulo ang mas pinalawak na RA 11982 o ang Senior Citizens Act of 2016 kung saan makakatanggap ang ating mga nakatatandamula edad 80, 85, 90 at 95 ng P10,000 – at dagdag na kaparehong halaga kada limang taon.

Bukod pa ito sa mga kasalukuyang benepisyo na natatanggap ng ating mga mahal na lolo at lola na matagal nang ipinatutupad sa ilalim ng naturang batas.

Patunay ito ng pagmamahal at pagkilala ni PBM sa mga kontribusyon ng ating mga seniors sa ating lipunan. Nais din ng mahal na Pangulo na maging maginhawa ang mga nakatatanda habang sila ay narito pa sa mundong ibabaw.

Sa datos ng National Commission on Senior Citizens (NCSC), tinatayang nasa 950,000 ang makikinabang sa karagdagang probisyon na ito ng batas.

Sa panig naman ng mga kabataan, inilunsad kamakailan ang “Batang, Busog Malusog” sa pangunguna ng mahusay na Presidential Adviser for Poverty Alleviation (PAPA) Secretary Larry Gadon.

“Ang batang busog at malusog ay handa sa mahusay na pag-aaral, ang edukasyon ay susi sa pag-angat sa kalagayan ng buhay,” ayon kay Gadon.

Nasa 1,200 kindergarten at elementary students ang nabigyan ng masustansiyang pagkain sa naturang launching ng programa.

Maganda ang layunin ng programa dahil hindi naman gagawin ng gobyerno na regular na pakainin ang mga bata, dahil ayon kay Gadon, umaasa siya na ang gawaing ito ay magsisilbing inspirasyon at mag-uudyok sa iba pang pribadong kompanya na gamitin ang programa bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.

Katuwang ang SM Foundation sa paglulunsad ng programa at umaasa ang BBM Nutritional Program na marami pang pribadong sektor at mga negosyante na makibahagi sa pagtulong sa pamahalaan na maibsan ang gutom partikular sa mga bata.

Batid natin na mahal ni PBBM ang mga kabataan at ang mataas na antas at kalidad ng edukasyon ang isa sa pangunahing agenda ng kanyang administrasyon.

Kaya sa mga may mabubuting puso na mga pribadong kumpanya at negosyo samahan at suportahan natin ang adbokasiya ni Pangulong Marcos sa pagsusulong ng “Batang Busog, Malusog” program.

AUTHOR PROFILE