Angelina

POSO NEGRO GINAMIT NA SEMENTERYO

July 26, 2023 Edd Reyes 251 views

Ng mga ‘nawawalang preso’ sa NBP

ISINAILALIM na sa red alert ng Bureau of Corrections (BuCor) ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City makaraan ang naganap na riot na ikinasawi ng isang Person Deprived of Liberty (PDL), kasabay pa ng pagkakatuklas sa umano’y “mass grave” kung saan pinaniniwalaang naroon ang hinahanap na nawawalang PDL.

Sa impormasyong ibinahagi ni BuCor Director General for Operation Angelina Bautista, dakong alas-9 ng gabi nang bigla na lamang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril sa Maximum Security Compound ng NBP na naging dahilan ng madugong riot sa pagitan ng grupo ng Batang City Jail (BCJ) at ng kalabang Bahala Na Gang (BNG).

Ayon kay Bautista, nagsimula sa alitan ng dalawang PDL na kasapi ng magkalabang gang ang kaguluhan dahil sa kinikimkim na sama ng loob sa isa’t-isa subalit dakong huli ay nagka-ayos naman matapos ang kanilang masinsinang pag-uusap.

Gayunman, isa aniyang panatiko na kabilang sa isang grupo ang hindi nakuntento sa pag-aayos ng alitan ng dalawa ang bigla na lamang naglabas ng baril at sunod-sunod na nagpapaputok sa kampo ng kalabang grupo na naging hudyat ng pagsisimula ng riot.

Isa ang nasawi matapos magtamo ng tama ng saksak ng icepick habang siyam ang sugatan na pawang ginagamot na sa NBP Hospital. Hindi muna pinangalanan ng BuCor ang nasawaing PDL, pati na ang siyam na sugatan habang hindi pa ipinababatid sa kanilang kaanak ang nangyari.

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang, Jr. na masusi na nilang sinisiyasat ang pangyayari at inaalam na rin kung paano nakapasok sa loob ng Maximum Security Compound ang kalibre .45 baril na may karga pang 12 bala sa magazine na nakuha ng mga nagrespodeng team ng Special Weapon and Tactics (SWAT) sa lugar na kinaganapan ng riot.

Aminado si Catapang na hindi malayong magkaroon ng gulo sa loob ng compound dahil halos 19,000 ang nakakulong Maximum Security Compound na mayroon lamang 10-ektarya kaya’t hindi aniya maiiwasan na magkabanggan sila paglabas ng lansangan.

Samantala, naniniwala rin si Catapang na natapos na ang kanilang paghahanap sa 25-anyos na noon pang Hulyo 15 nawawala, nang magtugma ang pang-amoy ng K9 search and rescue dog ng Philippine Coast Guard (PCG) sa amoy huling suot na t-shirt ng nawawalang PDL na si Michael Angelo Cataroja at sa amoy ng bangkay sa poso negro sa Dormitory 8 Quadrant B ng Maximum Security Compound.

Ilang ulit aniyang kumahol at inupuan ng K9 ang poso negro kaya’t sinimulan na rin agad ang pagsipsip sa laman nito upang makuha ang bangkay ni Cataroja na nahatulan sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law at may nakabinbin pang kaso ng carnapping.

Naniniwala si Catapang na hindi lamang ang bangkay ni Cataroja ang makukuha sa naturang poso-negro makaraang matanggap nila ang impormasyon na ginagamit ito bilang “mass grave” o libingan ng mga nawawala pang mga PDLs.

Sinabi naman ni Bautista na kinailangan nilang humingi ng tulong PCG dahil walang kakayahan ang kanilang K9 na humanap sa nawawalang PDL lalu na’t malawak ang kabuuan ng NBP na umaabot sa 87 ektarya. Tanging kontrabando lang aniya tulad ng shabu at iba pang mga ipinagbabawal ipasok sa NBP ang kayang amuyin ng kanilang mga K9 unit.

Nagresponde na rin sa lugar ang Forensic Team ng National Bureau of Investigation (NBP) upang mamahala sa pagsusuri sa makukuhang bangkay o kalansay ng mga naiulat na nawawalang PDLs na posibleng inilibing sa poso negro.

AUTHOR PROFILE