Default Thumbnail

Political landscape 1986-2022

May 12, 2023 Allan L. Encarnacion 219 views

Allan EncarnacionSA loob ng mahigit 30 taon, nakita natin ang pagbabago ng political landscape ng bansa.

Maganda itong pag-usapan ito isang taon matapos ang landslide victory nila PBBM at Vice President Sara Duterte. Nasira ang lahat ng mga political analyst sa bansa dahil hindi nila nakita ang mga dahilan ng pagbabago ng pulitika kahit iyon na ang kanilang mga ikinabubuhay.

Pagkatapos ng Edsa People power, naging dominant color ang dilaw. Mula kay Cory, nalipat ang kapangyarihan kay Ramos, nalipat kay Erap pero saglit lang, nalipat kay Gloria hanggang malipat kay Noynoy.

Iyong Cory term na 6 years, solid iyon. Ang bumangga sa dilaw, giba!

Sumunod ay ang 1992-1998 ni Ramos, solid din iyon, bagama’t shadow force si Cory, hindi nawala ang puwersa ng dilaw. Noong 1998, katulong pa rin ang dilaw kahit malakas na ang puwersa ni Erap para maging Presidente.

Pero maigsi lang ang Erap presidency-1998 hanggang January 2001 kahit dapat ay hanggang 2004 pa siya. Ang mga nagtulong-tulong din para pabagsakin si Erap ay ang mga mismong tao at grupo na tumulong sa kanya para maging Presidente.

Noong 2001, naging Presidente si Gloria matapos ang Edsa dos na ang arkitekto rin ay ang mga arkitekto ng 1986 People Power.

Nasa paligid ni Gloria (January 2021-May 2004) ang mga players ng nagpatalalsik kay Marcos at nagpabagsak din kay Erap.

Pero ilang buwan lang sa bagong termino ni GMA na nagsimula noong 2004, nagkalamigan na ang dilaw at ang kanyang pangkat. Dahan-dahang nagkahiwalay ang mga dilaw, unti-unting umusbong ang mga grupong ayaw na naman kay Gloria. Isinilang ang Hyatt 10 matapos ang pagkakabulgar ng Hello Garci.

Ang mga backers ni GMA na totoong dilaw ay nagalit na naman sa kanya. Hanggang sumakabilang buhay si Cory na supporters din ni GMA noong una.

Bago ang 2010 election, lumutang na ang pangalan ng anak ng dilaw na si Noynoy. Si Manny Villar ang mahigpit na katunggali ni Noynoy.

Pero may mga naglabas ng propagandang si Villar ay secret candidate ni Gloria Arroyo kaya nabansagang itong “Villaroyo.” Bumagsak si Villar sa survey at umangat naman si Noynoy na dahil din sa pagkamatay ni Cory ay hindi na napigil ang kanyang pagiging Pangulo noong 2010.

Pag bibilangin natin ang paghahari ng dilaw politics sa atin, umaabot ito sa 26 years. Iyong mga hindi naka-predict at walang nakakita sa pagpasok ni Duterte sa Presidency ang sumira sa kanilang lahat. Isama mo pa ang mga TV network na tumayo nang husto kay Noynoy at sa naging kandidato nito sa 2016 Presidential election.

Binasag ni Duterte ang paghahari ng pulitika ng mga dilaw. Madali lang ang naging kampanya ni Duterte, kung disente ang dilaw, “pusakal” at “bastos” naman ang kanyang tema.

Kung banal-banalan ang mga dilaw, “satanas” naman ang genre ni Digong. May isang pagkakataon, nanawagan pa si Duterte sa mga botante na kung gustong pumunta sa langit, iyong kandidato ng simbahan at ng dilaw ang iboto.

Pero walang bisa ang lahat ng black propaganda ng dilaw kaya ang ending, si Duterte ang naging Presidente.

Ang mas mabigat na bahagi ng political landscape natin ay ang landslide victory nila BBM at Sara tandem. Dito na gumuho nang tuluyan ang dilaw, kasama na ang mga negosyanteng “pumanginoon” sa mga dilaw.

Ito na ang malaking tanong, pagkatapos ng 26 years ng paghahari ng dilaw na pinutol nio Duterte, sino kaya ang makakabuhay sa kanila?

Sa ngayon, walang malinaw na ulo ang dilaw. Ang matingkad na dilaw noong 1986 ay pumusyaw mula 2016 hanggang 2022 kaya wala tayong nakikitang tiyansa na makakabalik pa sila sa kapangyarihan.

Itong taon ng 2022 hanggang 2028, malabo pa sa sabaw ng pusit na lulutang ang dilaw. Ang mas mabigat na parte, ang paparating na 2028 ay mukhang transisyon lang mula kay PBBM patungo kay VP Sara. Hindi pa natin alam kung may makakasingit mula sa dilaw or kung saan mang kulay.

Magkakaalaman yan sa midterm election sa 2025 kung may remnant pa ang dilaw. Kapag may nakapasok na dilawan sa senado at sa mga kongresista, ibig sabihin, mag-pag-asa pa sila sa 2028.

Hihintayin ko ang pag-epal ng mga political analyst kung kaya pa nilang mag-analisa dahil sa mga kapalpakan nila mula 2016 hanggang 2022!

[email protected]