Default Thumbnail

Paano mananagot ang Gcash?

May 12, 2023 Paul M. Gutierrez 322 views

PaulNAGING malaking isyu muli ang nangyaring aberya ng kilalang mobile service wallet na Gcash sa naganap na cash deductions umano ng mga user accounts kamakailan.

Wala pang malinaw sa “istorya” bagaman isa umano itong ‘phishing incident’ at hindi ‘hacking’ kung si GCash vice president for corporate affairs Gilda Maquilan ang paniniwalaan natin.

Syempre, ipagtatanggol ng Gcash ang nangyari aberya na nasa kontrol nila ang problema. Bagamat natural nating masasabi ang mga aberyang ganito ay hindi na bago para sa mga gumagamit ng GCash. Dahil may mga nakikita tayo sa social media bago pa ang insidenteng ito na nawawalan umano ng kanilang pera.

Oops! Ilang buwan matapos “madugas” ng GCash ang ating P5,000, hindi na ito naibalik. Idinaan na lang natin sa ‘bad experience’ dahil nakakasawa na ang mag follow-up at mabubuwisit ka lang sa dami ng hinihinging rekisitos.

Naging popular na ang GCash dahil mas nagiging convenient ito para sa iba na puwedeng dito ipadaan ang iba’t ibang bayarin na talaga namang nagiging madali para sa mga gumagamit nito. Mas mabilis ang transaction at maaari pa itong gawin kahit sa mga tindahan.

Ang problema lamang ay kung gaano nga ka-secure ito. Dahil bago pa man ang insidenteng ito, may mga napapaulat na na nawawalan sila bigla ng pera sa kanilang mga GCash accounts. At sa nangyaring ito, nakikita natin na may posibilidad nga na bigla kang mawalan.

Syempre alam nating hindi ito hahayaan at gugustuhing mangyari ng GCash. Dahil syempre malaking kasiraan ito sa kanila kung lagi’t lagi itong mangyayari. Hindi ito ang gugustuhin ng mga negosyante.

Pero ang tanong lang natin paano kung sakaling mangyari nga na maraming mawalan ng pera dito? Paano mababayaran o maibabalik sa mga biktima ang kanilang pera?

Naniniwala nga si Justice Secretary Crispin Remulla na maaaring hindi mapanagot sa cybercrime law ang GCash sa naganap na cash deductions na nangyari dahil normal lamang umano ang mga ganitong aberya at naisaayos naman nila ang sistema.

Mabuti nga na naisaayos nila kaagad at naniniwala naman tayo na gagawin lahat ng GCash ang kanilang magagawa kung magkaroon ng ganitong mga aberya. Pero uulitin natin ang tanong paano kung hindi nagkaganoon? Paano maibabalik sa mga tao ang perang nawala sa kanila?

Dahil alam ng mga gumagamit ng GCash na wala sila pisikal na ebidensiya kung magkano ang pera nila. Hindi kagaya ng bangko na mayroon kang bank book na maipapakita mo na laman ng iyong account.

Dahil ang GCash ay maituturing na digital wallet, puro digital ang transactions dito. Ibig sabihin kung nawala ang laman ng GCash mo, halimbawa kung may P5,000 ka doon at biglang nawala, paano mo ngayon mapapatunayan na may P5,000 ka nga doon? Saan lalapit ang mga biktima nito? Madali bang lumapit sa customer service ng GCash? Asa pa ba kayo hehe!

Kaya naman po sana ay may marinig tayo sa GCash ng mas magandang assurance mula sa kanila na maliban sa ligtas ang pera ng mga tao dito ay mayroon silang sistema para matiyak na makakatugon sila sa mga problema gaya nito.

Dahil kung sakaling nagkataon na hindi nila naayos ang problema, ang tanong paano mapapanagot ang GCash? Nganga na lang ba ang mga tao kapag nangyari nga iyon?

At puwede ba, ‘moderate your greed?’ Aber, masakit sa bulsa ang 2 percent deduction/service fee ng GCash sa bawat transaksyon!

Sa ibang depinisyon, lantaran itong ‘daylight robbery’ at okay lang sa gobyerno, hays!

AUTHOR PROFILE