PhilHealth

PhilHealth nawawalan na ng kwenta???!!!

January 4, 2022 People's Tonight 450 views

TulfoNAGPAHIWATIG na kamakailan ang ilang ospital sa Iloilo na hindi na muna sila tatanggap ng mga pasyente gamit ang PhilHealth card.

Pano nga ba naman, pitong ospital sa naturang lalawigan ay hindi pa binabayaran ng PhilHealth na umaabot na sa higit P800 million.

Ang tanong ngayon, paano na lang magpapagamot ang mga mahihirap sa Iloilo na ang tanging hawak lamang ay ang kanilang mga PhilHealtj cards?

Wala pang tugon ang pamunuan ng PhilHealtj hinggil sa pahayag ng pitong ospital sa iloilo.

Matagal na ang problemang “delinquent” ang PhilHealth sa pagbabayad ng mga utang sa ospital.

Panahon pa ni dating Pangulong Gloria Arroyo may mga ospital o medical facility na ang hindi nababayaran on time ng naturang ahensya.

Lumala ang problemang ito noong panahon ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino.

Ang pinagkakataka ng PhilHealth members ay kung bakit hindi nababayaran ng ahensya ang utang nito sa mga ospital gayong on time din naman ang pagreremit ng mga kontribusyon ng kani-kanilang kumpanya?

Sa isang imbestigasyon na ginawa ng Senado ilang taon pa lang ang nakakalipas, lumalabas na ginawang gatasan ng mga opisyal ng philhealth ang ahensya.

Nakipagsabwatan ang ilang kawani ng PhilHealth sa ilang medical facilities para makakuha ng malalaking refund.

Sa naturang imbestigasyon din nabisto ang naglalakihang mga bonuses at allowances ng mga big boss ng ahensya.

At dahil dyan, halos masaid ang pera ng PhilHealth kaya ang resulta – sandamakmak ang utang nito sa mga ospital.

Ang nakakalungkot, hindi man lang naipakulong ang mga opisyal ng PhilHealth na sabit sa pagwaldas ng pondo nito.

Pinagbabayad lang sa kanilang mga nakulimbat at natanggal sa pwesto pero walang nakulong.

Kung may mga nakasuhan man na iilan, ay yung mga nasa mababang pwesto lang.

Napapanahon na talaga na ayusin ang sistema sa PhilHealth dahil ito lang ang inaasahan ng mga mahihirap para makapagpagamot.

Marahil wala ng oras ang duterte administration para ayusin ang PhilHealth.

Kaya ang problemang ito ay nakaatang na sa susunod na magiging pangulo. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE