Quiboloy

PBBM ADMIN DAPAT LUMAYO KAY QUIBOLOY

December 26, 2023 People's Tonight 197 views

Sa gitna ng mga kinasasangkutan nitong kontrobersya

PINAYUHAN ng isang political analyst ang administrasyong Marcos na lumayo na sa televangelist na si Apollo Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal sa Estados Unidos, gaya ng sex trafficking, child sex trafficking, money laundering, at marriage and visa fraud.

Ayon sa abogado at political analyst na si Michael Henry Yusingco, ang dapat na gawin ng administrasyong Marcos ay makipagtulungan sa gobyerno ng Estados Unidos.

“The government should declare that they will respect the legal process of the US for as long as there is no conflict with ours,” ani Yusingco sa isang panayam kamakailan.

Kamakailan ay inilipat ng US District Court ang trial date para sa kaso ni Quiboloy at kaniyang mga kapuwa akusado sa Nobyembre 5, 2024, mula Marso 19, 2024.

Ang pagbabago ay matapos tukuyin ng US prosecutor at mga defendant na sina Felina Salinas, Gaia Cabactulan, Marissa Duenas, Amanda Estopare at Bettina Padilla Roces ang pagiging komplikado ng kaso sa ilalim ng Speedy Trial Act.

Ayon kay Yusingco, dapat ay hindi masangkot o magkaroon ng kaugnayan ang administrasyong Marcos sa alinmang indibiduwal na sangkot sa kaso.

“It must take all possible measures to distance itself from the people involved in this matter whoever they may be,” sabi nito.

Matatandaan na si Quiboloy, ang pinaniniwalaang beneficial owner ng broadcast company na Sonshine Media Network International (SMNI), ay nag-endorso kay Pangulong Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte-Carpio noong 2022 elections.

Dahil dito, sinabi ni Maria Ela Atienza, isang political science professor sa University of the Philippines, na ang kaso ni Quiboloy ay maaaring maging test case sa Philippine justice system sa ilalim ng Marcos administration.

Ayon kay Atienza, darating ang panahon na hihilingin ng gobyerno ng Amerika sa gobyerno ng Pilipinas na payagang ma-extradite si Quiboloy at ang kaniyang mga kapuwa akusado.

“If this happens, this will be a test of one aspect of Philippine-US relations,” ani Atienza.

Nauna nang inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang “most wanted” poster ni Quiboloy.

Ayon sa website ng FBI, si Quiboloy ay wanted sa Estados Unidos matapos masangkot sa labor trafficking scheme.

Batay sa kanilang imbestigasyon, dinadala ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Estados Unidos gamit ang mga kuwestyunableng visa upang manghingi ng donasyon para sa isang kahina-hinalang charity group.

Ang nakokolektang donasyon ay ginagamit umano sa operasyon ng KOJC at maluhong pamumuhay ng mga lider ng religious sect.

Noong Nobyembre 10, 2021, naglabas ng federal warrant laban kay Quiboloy, ayon sa FBI.

AUTHOR PROFILE