Lee

‘Parasite’ actor na si Lee Sun-Kyun natagpuang patay

December 27, 2023 Eugene E. Asis 229 views

Lee1Babala: May nababanggit tungkol sa suicide.

PATAY na ang sikat na aktor na si Lee Sun Kyun, 48. Kinumpirma ito ng Seoul Seongbuk Police sa South Korea.

Kahapon, December 27, natagpuan nila ang isang tila walang malay na lalaki sa loob ng isang kotse sa Waryong Park sa Seoul. Ito ay matapos silang makatanggap ng isang tawag mula sa isang babae na nagsasabing umalis sa kanilang bahay ang kanyang mister matapos mag-iwan ng isang suicide note.

Kinumpirma ng mga pulis na ito ang aktor na si Lee Sun Kyun: “His identity has been confirmed,” ayon sa mga ito.

Natagpuan ng mga pulis ang ilang nakasinding charcoal briquettes sa kotse ni Lee Sun Kyun, isang ebidensya na malamang na nagpakamatay ang aktor.

Mula pa noong Oktubre nitong taong ito, binagabag na si Lee ng imbestigasyon na may kinalaman sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ayon sa ilang balita, may pananakot o pagbabanta sa kanyang buhay ang isang drug dealer kaya napilitang magbayad ng malaking pera si Lee.

Dahil sa naturang drug related issues, tinanggal siya sa bagong seryeng ‘No Way Out.’

Isang mahusay na aktor, kilala si Lee sa kanyang malalim na boses. Ilan sa mga teleserye na tinampukan niya ang Coffee Prince (2007), Miss Korea (2013-2014), My Wife’s Having An Affair This Week (2016), My Mister (2018), Diary of A Prosecutor (2019-2020), at Payback (2023).

Sa pelikula, natatandaan siya sa A Hard Day (2014), A Special Lady (2017), Jo Pil-Ho: The Dawning Rage (2019), Kingmaker (2013), at ang Oscar Best Picture-winner na Parasite (2019). Ang huli niyang pelikula ay ang ‘Sleep’ na nakatanggap ng papuri sa nakaraang Cannes Film Festival.

Iniwan ni Lee ang kanyang misis, ang aktres na si Jen Hye Jin, at dalawang anak.

AUTHOR PROFILE