Default Thumbnail

Pambansang Araw ng Hijab

November 7, 2022 People's Tonight 412 views

RobinISANG araw para sa paghilom, paglaya at pakikiisa — ito po ang buod ng Pambansang Araw ng Hijab.

Isa sa ating isinusulong na panukalang batas sa Senado ang Senate Bill No. 1272 na sinusugan din ni Senador Jinggoy Estrada sa kanyang S.B. No. 805 at ni Senator Bong Revilla sa kanyang S.B. No. 1418 na nagdedeklara sa unang araw ng Pebrero bilang Pambansang Araw ng Hijab.

Karaniwang isinusuot ng mga kababaihang Muslim ang hijab bilang belo na nagtatakip ng kanilang buhok. Sa Islam, ito ay umaayon sa pamantayan ng kayumian at pagpapakumbaba samantalang ang mga nagsusuot nito ay tinatawag namang hijabis.

Simple lamang ang panukala kung iisipin, ngunit makabuluhan ang layunin nito na itaguyod ang pag-unawa at pagkakaisa upang matiyak ang malayang pagsasabuhay ng mga hijabis ng kanilang pananampalataya.

Nais po nating magkaroon ng malawak na kamalayan ang ating mga mamamayan sa kahalagahan ng pagsusuot ng hijab upang maiwasan ang diskriminasyon at magkaroon ng lunsaran ang lahat — ano man ang relihiyon at kultura — na makiisa sa ating mga kapatid na Muslim.

Gayong malinaw sa ating Saligang Batas na malaya ang sinuman na ipahayag ang relihiyon na kanilang pinili, hindi pa rin natin maiiwasan ang mga insidente ng diskriminasyon na sumusupil sa kalayaan ng mga hijabis.

Ang inyong lingkod po ay buhay na saksi sa aktwal na pangyayari at salaysay ng ating mga kapatid na Muslim sa pagsusuot ng hijab. Ilan na rito ang pagpapaalis ng kanilang suot na hijab dahil hindi daw ito ‘naaangkop’ sa isang institusyon o maging sa mga pampublikong lugar; ang hindi pagtanggap sa isang propesyon dahil sa nakakasagabal na ‘takip’ sa ulo; hanggang sa panghaharass at pag-atake ng isang indibidwal sa mga mag-aaral na naka hijab noong ‘90s sa University Belt, Sampaloc, Maynila.

Pati ang director ng Bureau of Muslim Cultural Affairs ng National Commission on Muslim Filipinos na si Ceazar Maranda, nasaksihan niya ang ganitong diskriminasyon sa isang mall nang kasama niya ang kanyang nanay at asawa na naka-hijab – kung saan nagkumento ang gwardiya na, “Mga Abu Sayyaf, nakapasok dito.”

Ang mga insidenteng ito ay sumasalamin sa masalimuot na reyalidad na kinahaharap ng mga Muslim hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bahagi ng daigdig.

Katunayan, 69% ng mga kababaihan na nagsusuot ng hijab ay nakaranas ng insidente ng diskriminasyon ayon sa pag-aaral ng American Civil Liberties Union samantalang 33% ng mga estudyanteng Muslim ang nag-ulat na binago nila ang kanilang hitsura, pangalan, at iba pa, upang itago ang kanilang relihiyon base sa ulat ng Council on American-Islamic Relations sa Massachusetts. Sa India naman, malawakang protesta ang inilunsad ng mga hijabis sa isyu ng pagbabawal sa mga estudyanteng Muslim na pumasok na may suot ng hijab sa kanilang mga silid-aralan sa isang pampublikong kolehiyo.

Ang mga salaysay na ito mula noon hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na tumutuklap sa pilat at nagdudulot ng panibagong sugat sa ating mga kapatid na Muslim.

Bilang pagtugon, nais nating mamulat at magkaroon ng mas malalim na pag-unawa ang lahat sa kahalagahan ng malayang pagpapahayag ng pananampalataya.

Sa ilalim ng ating panukalang batas, ang unang araw ng Pebrero ng bawat taon ay itatalaga bilang “Pambansang Araw ng Hijab” upang itaguyod ang pakikiisa sa mga hijabis sa pamamagitan ng paghihikayat sa lahat ng kababaihan na magsuot ng hijab sa publiko. Ang mga ahensya ng pamahalaan, mga paaralan, at pribadong sektor ay hinihikayat rin na ipagdiwang ang National Hijab Day upang ipakita ang pakikiisa sa mga hijabis.

Ang ating mensahe sa paggunita ng Pambansang Araw ng Hijab: anuman ang ating pagkakaiba ng pananampalataya, walang lugar ang diskriminasyon dahil tayo ay iisang sambayanan na binibigkis ng kapayapaan at respeto sa kapwa. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE