Default Thumbnail

DSWD workers na ‘Red-tag’?

November 7, 2022 Erwin Tulfo 688 views

TulfoLIBU-LIBONG kapwa nating Pilipino ang naghihirap pa rin dahil sa pananalanta ng bagyong Paeng kaya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ng inyong lingkod ay ipinagpapatuloy ang relief operations.

Kalungkut-lungkot at may pagkakataon na di naiiwasan ang pagkakamali o gusot sa operasyon sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa lalu na kapag iba’t-ibang indibidwal, grupo o ahensya ang nagkakapit-bisig sa panahon ng malawakang kalamidad.

Ang mahalaga ay nananatili tayong tapat at nakatutok sa pagtupad sa ating mandato at yan ay ang pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan lalu na sa masidhing krisis.

Nakakalungkot at sa pagseserbisyo ng ating kasamahang social workers sa Noveleta, Cavite noong October 31 ay napulaan sila na diumno’y “pinahihirapan pa ang mga biktima ng bagyo sa paghingi ng relief goods at ayuda” dahil sa “red-tape.”

Ang masakit pa ay mismong punung-bayan na si Noveleta municipal Mayor Dino Chua ang kara-karakang nagreklamo na ayaw daw bigyan ng tulong ang beneficiaries na walang maipakitang dokumento tulad ng identification cards, proof of residence at “certificate of indigency.”

May 500 beneciaries ang nasa listahan na isinumite ng local government unit (LGU) sa request ng DSWD regional 4A (CALABARZON) Field Office.

Kung totoo, hindi katanggap-tanggap ang ganuong siste lalu’t utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na ibigay kaagad ang tulong sa mga nangangailangan.

“Kahit may dumoble, ipamigay lahat dahil pakikinabangan yan ng mga pamilyang nasalanta ng bagyo,” sabi ni PBBM.

Bilang DSWD Secretary, di na ko nag-aksaya ng oras para iutos ang pag-iimbestiga sa akusasyon na ipinarating ng kagalang-galang na alkalde.

At upang maging parehas ang pagsisiyasat ng aking staff sa Office of the Secretary (OSEC), pansamantalang inilipat ko sa sina DSWD Regional Field Office IVA Director Barry Chua at Asst. Dir. Mylah Gutierrez sa OSEC sa DSWD central office in Quezon City.

Para sa inyong kaalaman, ang mga DSWD personnel na nagsagawa ng relief operations ay patuloy na nagtrabaho kahit sa okasyon ng Undas weekend at hindi nakapiling ng kani-kanilang mga kaanak sa paggunita ng All Saints Day at All Souls Day.

Hindi rin po kami nag-trick or treat noong Holloween, tulad ng sabi ni Marites.

Matapos ang masusing imbestigasyon sa reklamo ni Mayor Chua, lumitaw na umabot sa 300 mula sa 500 na nasa listahan ng LGU at nabigyan ng ayuda ang hindi naman pinilit hingan ng anumang dokumento ng DSWD social workers.

Wala pong pinahirapan o pinag-supladuhan ang ating mga social workers or social assistants na pawang nakangiti na naglingkod.

In fact, our DSWD frontliners or foot soldiers did a job, mission accomplished!

With all due respect, ang butihing alkalde ay dapat nagtanung-tanong muna sa mga nakatanggap ng tulong bago pinatulan ang ilang alegasyon laban sa DSWD social workers at nagreklamo ng “red-tape.”

Ibang klaseng “red-tagging” yan, yorme. Alam mo, di namin style ang red-tape!

Nang tinanggap ko ang nominasyon ni PBBM na maging kalihim ng DSWD, inutos ko kaagad sa Standards and Capacity division at Policy and Plans offfice na ibasura yang mga requirements tulad ng residency and indigency certificates.

Iyan ang mga ugat ng pag-antala sa pagbibigay ng ayuda ng ahensya sa mga nangangailangan.

Iyang walang-kamatayan ng Certificate of Indigency ay isang karumal-dumal na konsepto, kung sinuman ang baliw ang nag-imbento niyang tinagurian kong “diploma ng patay-gutom.”

Insulto lamang yan sa pagkatao ng ating mga kababayan na naghihirap at napipilitan pang mamalimos ng sertipikasyon ng barangay na di naman ang alam ang tunay na sitwasyon ng bawat residente sa kanilang lugar.

Sa kaso ng Noveleta, hindi nga matukoy ng mga taga-barangay at LGU kung residente nila nga ang mga inilista nilang beneficiaries.

Malinaw pa sa sikat ng araw na walang pagkukulang ang staff nina Dir. Chua at Ass. Dir. Gutierrez na aking pinabalik kaagad sa kani-kanilang pwesto.

Kaya sa pinaalala ko sa DSWD staff na sapat na ang anumang ID para bigyan ng tulong ang mga kapwa Pilipino lalu na sa mga oras ng kalamidad.

Alam natin na tayo ay may pananagutan sa Commission on Audit (COA) sa pamamahagi ng ayuda gayong ang aming ahensya ay ikalimang may pinakamalaking annual budget sa mga executive departments.

Ngunit may pagkakaiba ang paggawa nang tama at maingat kaysa pagmamataas at mapagmaramot.

Kung tayo ay magiging mapagmataas at maramot dahil nagdududa tayo sa pagkatao o intensyon ng taong humihingi ng tulong, mabuting sa mga pribadong bangko na lang tayo magtrabaho.

Ika nga ni PBBM kung may dumoble, ibigigay nyo lahat.

Siguro maraming tsikiting at medyo mas masarap kumain ng sama-sama kapag may bagyo, may family bonding kapag may delubyo. Pinoy, eh!

AUTHOR PROFILE