Bong Go

Pagtatatag ng DDR, iginiit uli ni Bong Go

June 10, 2022 People's Journal 101 views

Sa pagputok ng Bulkang Bulusan

Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang panawagan para sa pagpapasa ng kanyang Senate Bill No. 205 na tatawaging “Disaster Resilience Act” kasunod ng phreatic eruption ng Bulusan volcano sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa isang ambush interview matapos ang kanyang monitoring visit sa Malasakit Center sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte, idinetalye ni Go ang pagsisikap ng gobyerno na tulungan ang mga Pilipinong naapektuhan ng pagputok ng Mount Bulusan kamakailan.

“So far, medyo nagkalma na po ‘yung bulkan at mayroon pong mga nailikas na 50 pamilya at inatasan na po ni Pangulong Duterte na ibigay ang mga pangangailangan nila pagkain at maayos po na evacuation center para sa kanila, para komportable po sila. hanggang safe po silang makabalik sa kanilang mga bahay,” ani Go.

Sumabog ang Bulkang Bulusan noong Linggo ng umaga, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, na nagresulta sa pagbagsak ng abo sa mga komunidad sa mga bayan ng Juban, Casiguran, at Irosin sa Sorsogon.

Itinaas din ng PHIVOLCS ang alert status ng bulkan mula 0 normal hanggang Alert Level 1 (low-level unrest).

Mula nang mahalal bilang senador noong 2019, nakatuon si Go sa pagsusulong ng mga hakbang na layong lumikha ng mas mabilis at mas pinag-isang diskarte sa buong gobyerno sa paghahanda para sa mga sitwasyon ng krisis.

Muling iginiit ng senador ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas proactive na diskarte sa pagharap sa mga natural na kalamidad.

“Ako naman po, isisingit ko na lang, that is why I’m still pushing and will never stop po, hindi po ako hihinto sa pagsusulong ng Department of Disaster Resilience para po mayroon tayong isang departamentong cabinet-secretary level na nakatutok po sa mga kababayan natin,” anang senador.

Sinabi ni Go na bago pa dumating ang bagyo, bago pumutok ang bulkan, ililikas kaagad sa mga ligtas na lugar ang mga kababayan natin.

Ang itatalagang kalihim ay makikipag-coordinate kaagad sa mga local government officials at bibigyan kaagad ng pagkain, maayos na evacuation center ang mga apektadong residente. ‘Yan po ang tanging layunin ng Department of Disaster Resilience.”

“Iba po kasi kapag cabinet-secretary level ang mamumuno ng departamento, madali ang koordinasyon at hindi na kailangang gumawa pa ng panibagong task force. Kasi mayroon pong departamento para po dito sa mga disaster na darating pa sa ating bansa,” paliwanag ng mambabatas.

Ang panukalang batas, na inihain ni Go noong 2019, ay naglalayong tugunan ang mga hamon sa burukrasya na sumisira sa kakayahan ng gobyerno na mapahusay ang pagtugon at pagbibigay ng suporta sa mga indibidwal na apektado ng mga sakuna.

Para magawa ito, itinatatag nito ang Department of Disaster Resilience, isang highly-specialized na ahensya na maghahanda laban sa mga mapangwasak na epekto ng pagbabago ng klima at magsisiguro ang mas maagap na diskarte sa mga natural na kalamidad.

Sinabi ni Go na balak niyang i-refile ang nasabing panukala sa susunod na Kongreso.

“Hindi po siya naipasa sa Senado, nandoon po siya sa komite noong panahon namin sa 18th Congress. Ngayon naman po sa 19th Congress, ipa-file ko po ito, ire-refile ko po, kung anong kailangan ayusin para matuloy lang po ito,” ayon sa senador.

Ayon kay Go, mas kailangan na ito lalo sa panahon ng climate change.

Bilang dagdag sa DDR, naghain din si Go ng SB 1228 na naglalayong magtatag ng mandatory evacuation center sa lahat ng lungsod, lalawigan at munisipalidad sa buong bansa.

“Kailangang magpatayo tayo ng mga safe, permanent and dedicated evacuation centers na mayroong sapat na emergency packs, katulad ng blankets, tubig, gamot, flashlight, at ready na relief goods. Obligasyon ng gobyerno na palaging maging handa sa oras ng sakuna,” idiniin ni Go.

AUTHOR PROFILE