Default Thumbnail

Pagsalubong sa Bagong Taon naging maayos, partikular sa MM

January 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 224 views

ITO ang naging pagtaya ng Philippine National Police (PNP) sa naging pagsalubong ng mga Pilipino sa Bagong Taon, sa kabila ng pagkakaroon ng biktima ng ligaw na bala at kaso ng pagbebenta at paggamit ng ilegal na paputok.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief Col. Redrico Maranan, naging “mas mapayapa at mas ligtas ang selebrasyon.”

“Ang atin pong overall assessment sa pagsalubong po ng ating mga kababayan sa Bagong Taon ay generally and relatively peaceful po,” pahayag ni Maranan.

Aniya, wala namang naiulat na malaking insidente na nakasira ng pagsalubong sa bagong taon bukod sa dalawang nasugatan dahil sa ligaw na bala.

Arestado narin aniya ang mga suspeks na nasa likod ng walang habas na pagpapaputok ng baril.

Ayon naman kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, tatlong indiscriminate firing ang naitala ng PNP.

Ang una ay ang inside te sa Occidental Mindoro na kinasasangkutan ng isang sibilyan, ang ikalawa ay sa Quezon City na sangkot naman ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard at ang isang insidente ay naitala naman Iloilo kung saan isang sibilyan din ang suspek.

Lahat aniya ng suspects ay naaresto at nahaharap sa kasong indiscriminate discharge of firearms sa ilalim ng Republic Act No. 11926.

Umaabot din sa 36 katao ang naaresto dahil sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na paputok.

Aniya, umaabot sa 86,801 firecrackers na nagkakahalaga ng mahigit sa P2.7 million ang nakumpiska.

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major Gen. Jonnel C. Estomo, ang selebrasyon sa pagsalubong sa taong 2023 ay “generally peaceful” at “zero major incidents” sa Kalakhang Maynila.

Sinabi rin ng NCRPO chief na walang naitalang nasaktan sa paggamit ng paputok maging biktima ng ligaw ng bala, pagpapaputok ng baril o maging sunog sa Metro Manila sa gitna ng kasiyahan ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Sinabi ni Estomo na bunga ito ng pinaigting na pagpapatupad ng “Ligtas Paskuhan 2022” sa ilalim ng S.A.F.E. (Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions) ng NCRPO. Ni Zaida Delos Reyes at Alfred Dalizon