Paging MMDA General Manager
MULI nating nakita kung ano ang sitwasyon ng bansa matapos ang tatlong oras na pag-ulan nitong Sabado.
Malawak ang baha, kung saan-saan nagkaroon ng stand still o walang galawan ng mga sasakyan sa National Capital Region.
Mula sa bahay namin, mga bandang 1: 30 p.m., driving ako papuntang coffee shop meeting sa Congressional Avenue, mga 2 kilometers away lang pero halos isang oras at kalahati bago ako nakarating na dapat ay 10 minutes lang ang karaniwang biyahe.
Ang dahilan, walang galawan ang mga sasakyan sa North bound ng Mindanao avenue, Quezon City.
Ang mas bad news, nasa tapat ko lang ang barangay hall ng Tandang Sora pero wala tayong nakitang gumagalaw na mga barangay tanod or kahit sino sa barangay para magsaayos ng daloy ng mga sasakyan. Wala namang election ban sa pagtupad sa tungkulin bilang first responder.
Samantala, doon naman sa Edsa, hindi na rin umuusad ang mga sasakyan dahil din sa baha sa pagitan ng Kampo Aguinaldo at Kampo Crame.
Dumagdag pa ang isang pasaway na taxi driver na nagtangkang gumamit ng busway pero biglang tigil dahil hindi rin kayang lumusong sa baha.
Hayun, tigil din lahat ng bus dahil sa tsuper na wala ring pakialam sa kanyang pang-aabala. Unang-una ay hindi naman siya dapat dumaan doon. Inabala niya ang mga manggagawa at mga may lakad sa mga oras na iyon. Harinawa’y hindi 10 years ang license validity ang naibibigay sa mga public utility drivers!
Doon naman sa Mindanao avenue papuntang Nlex at Quirino hway, wala ring galawan sanhi ng baha. Hindi sana masyadong masama ang loob ng mga motoristang naiipit sa “carmageddon” kung may nakikita lang silang mga MMDA traffic enforcers or mga barangay manpower na tutulong sa pagpapaluwag ng daloy.
Hindi naman talaga kayang lumuwag agad sa ganoong klase ng gridlock na dulot ng instant baha. Pero iyong gridlock ng damdamin mas madaling paluwagin kung may nakikitang nagmamanda ng direksiyon sa gitna nang kalawang pag-asa sa mistulang delubyo.
Mukhang takot din mabasa ng ulan or ayaw magkaalipunga ng mga enforcers at mga barangay tanod kaya hinayaan na lang nila ang mga motorista na magkanya-kanya ng diskarte kung paano makakalusot sa baha at trapik!
Kung may rules of engagement sa PNP sa pagresponde sa mga krimen, dapat siguro ay magkaroon na rin ng Rules of Engagement ang mga barangay at enforcers sa tuwing naganap ang mala-delubyong tulad nitong nakaraang Sabado.
Alam nating hindi madali ang mabasa sa ulan at lumusang sa baha pero kung nasa gobyerno ka, kasama yan sa sinumpaan mo na maglilingkod ka sa bayan at uunahin ang mamamayan bago sumilong ang sarili.
Paging sa kaibigan nating si MMDA General Manager Popoy Lipana, baka puwedeng mag-recalibrate tayo ng mga protocols sa tuwing may kalamidad para maramdaman ng ating mga kababayan ang gobyerno sa mga ganitong pagkakataon.