Default Thumbnail

Senator Joel Villanueva: Mas maraming medical schools ang kailangan ng ‘Pinas!

September 25, 2023 Marlon Purification 272 views

Marlon PurificationDAPAT magdagdag pa ang pamahalaan ng mga pampublikong medical school upang maaabot ang tinatawag na World Health Organization (WHO) doctor-patient ratio na 10 doctor sa kada 10,000 populasyon.

Ito ang sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, principal sponsor at author ng Doktor Para Sa Bayan Act, kasabay ng pagbibigay-diin na kahit limang dagdag na medical school pa sa bansa ay malaking tulong na upang mabawasan ang kakulangan sa doktor na tutugon sa pangangailangang pangkalusugan ng ating mga kababayan.

Sakaling magkakaroon ng dagdag na paaralan para sa mga nais maging doktor, umaasa si Villanueva na maaabot na ng Pilipinas ang ideal ratio na itinakda ng World Health Organization (WHO) na 10 doktor kada 10,000 popülasyon.

“Marami pong nangangarap maging doktor pero walang pampaaral. Kailangang bigyang-daan po ng gobyerno na maabot ang pangarap ng ating mga kabataang kapos ngunit may kakayahan,” sabi ni Villanueva.

Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11509 o Doktor Para Sa Bayan Act, 17 State Universities and Colleges (SUCs) sa 13 na rehiyon ay nag-aalok na ngayon ng kursong medikal sa ilalim ng kanilang College of Medicine mula sa walong SUCs sa pitong rehiyon bago ang pagpasa ng batas.

Sa ilalim ng R.A. No. 11509, bawat rehiyon ay dapat mayroong isang SUC na mag-aalok ng kursong medikal sa loob ng limang taon mula nang maging epektibo ang batas. Layunin din nitong humikayat ng marami pang kwalipikadong mag-aaral na maging doktor sa pamamagitan ng libreng matrikula, aklat, at iba pang allowances.

Nakasaad din sa batas na kailangang magserbisyo ng mga iskolar sa public health facilities ng isang taon para sa bawat scholarship year na kanilang nakuha.

“When we passed the Doktor Para Sa Bayan Law, we did not aim only to have more scholars, but also to increase the number of SUCs that will offer medical courses, and this is what we are pursuing now,” ani Villanueva.

Nagpahayag ng suporta ang Majority Leader kay Senador Chiz Escudero, chairperson ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education at sponsor ng mga panukala.

Nakatakdang ipasa ang mga ito sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Lunes, Setyembre 25.

Iminumungkahi ng mga panukala na magtayo ng College of Medicine sa Benguet State University, Don Mariano Marcos Memorial State University-South La Union Campus, Southern Luzon State University, Visayas State University, at University of Eastern Philippines.

Ayon pa kay Villanueva, nasa matinding pangangailangan ang bansa ng mga medical professional para mapaglingkuran ang lumalaking populasyon at bilang paghahanda sa hinaharap laban sa mga sakit kasunod ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang sinabi ng Department of Health na mahigit 114,000 pang mga doktor at 127,000 nurses ang kinakailangan para maibigay ang pinakamainam na pangangalagang pangkalusugan sa mga Pilipino.

“Sabi po ng maraming bata, gusto nilang mag-doktor. Dapat po may eskwelahan sa lugar nila kung saan pwede mag-aral, at kung kwalipikado, dapat po libre. Dito, hindi po mawawala ang pangarap nilang maging tagapagligtas ng buhay,” sabi pa ni Villanueva.