Pagdanak ng dugo kontra droga, hindi magaganap sa BBM Admin
ANG daming humanga at pumuri sa kakaibang pamamaraan ng pamamalakad sa pamahalaaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., lalu na sa pagsugpo laban sa ilegal na droga.
Maging ang mga dating nag-aalangan kay PBBM ay kumambiyo at bumilib na rin sa kanya, lalu na nang mapatunayan ng kanyang administrasyon na hindi pala kailangang dumanak ng dugo sa malakihang operasyon tulad ng pagkakakumpiska sa P6.7 bilyong halaga ng shabu sa Maynila.
Sa kabila kasi ng pinakamalaking operasyong ikinasa ng kapulisan sa kasaysayan ng paglaban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpisa sa halos isang toneladang shabu sa loob ng WPD Lending Company sa Jose Abad Santos Avenue, Tondo, walang dugong dumanak sa magkakasunod na operasyon kahit pa nga pulis, sa katauhan ni P/MSgt.Rodolfo Mayo, Jr., intelligence officer ng PNP Drug Enforcement Group ang nadakip na hinihinalang nasa likod ng malakihang ilegal na negosyo ng droga at nagmamay-ari ng lending business na front ng kanyang ilegal na negosyo.
Kung sa nagdaang administrasyon ay naging madugo ang “war on drugs”, iba ang pamamaraan ni PBBM dahil mas hinangad niyang mahuli ng buhay ang mga sangkot sa droga para mapiga kung saan nanggagaling ang ilegal na droga at sino-sino ang mga taong nasa likod nito.
Pinalakas nga ni PBBM ang PNP- Drug Related Data Integration Generation System (DRDIGS) sa ilalim ng Directorate for Operations na nagsilbing digital library ng lahat ng impormasyon sa buong bansa tungkol sa kampanya kontra droga at kapag fully operational na, magiging daan ito para sa mas epektibong real-time management ng mga operasyon, kabilang ang pag-monitor ng rehabilitasyon ng mga drug users bilang bahagi ng demand-reduction strategy, kasabay ng supply-reduction strategy.
Sa bagong pamamaraan ni PBBM, hindi lang ang pagpigil sa pagdanak ng dugo sa bawa’t drug operation ang kanyang layunin kundi nais din niyang maalis ang naging batikos na nalalabag ang karapatang pantao, pagkakadamay sa mga walang kinalaman, lalu na ang mga menor-de-edad, sa mga drug operation kaya’t hinangaan kaagad siya, hindi lang ng mamamayang Filipino kundi maging ng mga dayuhan.
Ang tahimik naming bayan sa San Rafael, Bulacan
BIHIRA na akong makapunta sa tahimik naming probinsiya sa San Rafael, Bulacan kaya nagulat ako sa komento ng isa kong kaanak na dumarami na raw ang mga adik at ilegal na sugal sa aming bayan.
Hinihintay na lang daw nila ang gagawing aksiyon ni San Rafael Police chief P/Lt. Isagani Enriquez dahil nakarating na rin mismo sa tanggapan ni Provincial Director P/Col. Really Arnedo ang reklamo ng mga taga-San Rafael sa isang alyas “Jr Adik” na nasa likod ng operasyon ng ilegal sa sugal sa mismong basketball court ng Barangay Caingin.
Siguro, dapat na ring idamay ni Col. Arnedo ang pagwalis sa iba pang ilegal na sugal sa E. Rodriguez St. sa Sta Maria at sa Barangay Mapulang Lupa Resident 1 Pabahay sa Pandi na pinatatakbo ng mga nagtago lang sa alyas Fred at Jojo para maibalik ang katahimikan sa lalawigan ng Bulacan.
Kung sabagay, hindi lang sa Bulacan nagkalat ang mesa ng ilegal na sugal dahil maging si Cavite Provincial Director P/Col. Christopher Olazo ay abala na rin sa paghabol sa nasa likod ng mga ilegal na gawain nina alyas Jefer, Mate, Mhanny, Fred at Jun dahil sila umano ang nasa likod ng mga sugalan sa Poblete St. Brgy, Ibayo Silangan sa Naic, Calzadang Bago II sa Imus, Camerino Ave. sa Dasmarinas at Crisanto Delos Reyes Ave. sa Gen. Trias.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]