Bong Go

Pag-apruba ni PBBM sa SIM Card Registration Act, pinuri ni Bong Go

October 11, 2022 People's Journal 374 views

NAGPASALAMAT at pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa paglagda sa Republic Act No. 11934 o panukalang “Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act” na naglalayong puksain ang paglaganap ng spam messages at iba pang mapanlinlang na aktibidad sa cellular phone .

Si Go ay co-author at co-sponsor ng panukala.

Ginawa ni Go ang pahayag sa isang ambush interview matapos niyang tulungan ang mga residente sa San Juan City noong Lunes, Oktubre 10.

Idinaos ang ceremonial signing sa batas sa Palasyo ng Malacañang na personal na dinaluhan ni Go.

Dumalo rin sina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, at iba pang mambabatas, executive officials at stakeholders.

Ang SIM Card Registration Act ay ang unang batas na nilagdaan ni Marcos bilang pangulo ng Pilipinas.

“Truly, the legislation is going to be welcomed by many of our people especially now with reports of the commission of various crimes using mobile phones, including proliferation of text scams and spam,” sabi ni Marcos matapos ang paglagda niya sa batas.

“Indeed with the signing of this law, we set the important tone that it is our national policy to ensure that technology shall only be used to improve our people’s lives,” idinagdag ng Pangulo.

Samantala, ibinahagi ni Go na may mga pagkakataong ginamit ang kanyang pangalan ng mga scammer para akitin ang mga biktima sa kanilang mga iligal na gawain.

“Ako po mismo nagagamit ang pangalan ko diyan sa mga text scam na ‘yan,” anang senador.

“So, dapat po matigil na ang mga text scam na ito dahil marami pong nananamantala dito sa paggamit ng mga sim,” idinagdag niya.

Sa ilalim ng batas, kakailanganin ng mga consumer na irehistro ang kanilang SIM card bago ma-activate sa pamamagitan ng pagsusumite ng accomplished registration form at pagpapakita ng valid government ID o iba pang kinakailangang dokumento upang patunayan ang kanilang pagkakakilanlan.

Ang batas ay ipinasa matapos ang halos isang buwan pagkatapos suriin ng Senado ang malawakang text phishing scheme na kumukuha ng personal na impormasyon ng mobile user para sa mga mapanlinlang na transaksyon.

“So, ngayon, kailangan na pong magrehistro ang mga sim owners, ang identity nila maaari na pong ma-identify kung sino po ang gumagamit dito at gamitin man nila sa kalokohan o kriminal na paraan ay maaari na silang ma-identify at maaari na rin silang mahuli,” ipinunto ni Go pointed out.

Kumpiyansa si Go na ang panukala ay hahadlang sa mga manloloko at lilikha ng mas ligtas na kapaligiran sa online para sa mga Pilipino.

“Makatutulong ito sa kasalukuyang administrasyon na protektahan ang kapakanan at pagkapribado ng mga Pilipino at gawin silang ligtas habang ginagamit nila ang kanilang device,” iginiit niya.

AUTHOR PROFILE