Default Thumbnail

Padalus-dalos, padaskul-daskol

October 1, 2023 Joey C. Papa 219 views

Joey“Huwag kang padalus-dalos,” mahinahon ang salita ng paalala mula sa isang magulang sa anak na gagawa ng isang mahalagang desisyon sa buhay.

“Huwag kang padaskul-daskol sa pagmamaneho mo!” may kaunting galit na paalala ng isang magulang sa tsuper na may hawak ng manibela ng sasakyan.

Halos magkatulad ang dalawang salitang inilarawan sa itaas. May matinding diin lamang ang salitang padaskul-daskol na tila ba napuno na sa palagiang pagpapaalala sa pag-iingat sa lahat ng bagay ng isang mainamahal sa buhay. Puwede na ngang mapunta sa pagpapagalit.

Ang padalus-dalos naman ay tila may kahinahunan pa ang pagsasabi o pagpapaalala sa mga gawain o kilos na kailangang ng pag-iingat sa anumang bagay sa bahay. ‘Ika nga’y hindi pa napipikon ang nagpapaalala.

Makikita ang mga ganitong ugali, pagkilos nitong mga nakaraang linggo at buwan ng mga kababayan nating Pilipino na lumaganap sa media. Marami ang nasasangkot sa mga away sa kalye dahil sa pagmamadali o gusto lamang sumingit sa isang lane o ang tingin nila ay sila ang mga hari ng kalsada kaya ipinakita ang masamang asal at asta sa publiko pa mandin

Nakukunan ng mga CCTV ang mga haring ito ng lansangan. Malas lang nila!

Naranasan ko ang ganitong pang-aabuso ng isang tsuper na may sasakyang SUV. Nangyari ito bago pa magpandemic. Gusto niyang mauna sa kung saan man siya pupunta at ako nama’y hindi barumbadong magmaneho dahil unang una’y wala naman kami sa highway na kailangang maging mabilis ang pagpapatakbo. Pangalawa’y tatlong minuto na lang ang layo ko sa aming bahay.

Gusto niya pa ring mauna at pinatatabi ng tsuper ng SUV ang mga nasa unahan niyang sasakyan kabilang na ako. Hindi ako tumabi dahil sa isip ko’y ni hindi man lang siya isang ambulansya.

Ayun, pagliko ko malapit na sa amin ay inunahan ako at iniharang ang malaki niyang sasakyang SUV sa maliit kong sasakyan. Muntik na akong mahulog sa kanal. Kinunan ko ang itsura at plaka ng sasakyan at suwerteng nakunan ko ang itsura ng lalaking nagmamaneho.

Natuklasan ko na isa siyang Tsinoy nang maghain na ako reklamo sa Land Transportation Authority at Philippine National Police at ipinatawag siya.

Nagharap kami at ang kulang na lang ay lumuhod siya sa harap ko sa paghingi ng tawad. Hindi na siya teen-ager o kabataan. Parang magkasing-idad lang kami. Pinatawad ko naman dahil baka tumulo pa ang sipon niya sa pag-iyak. Ito’y pagkaraan ko siyang pangaralan. Tila naging isa siyang maamong tupa. Nakatira siya sa isang mayaman at kilalang village.

Nalaman ko rin na siya ay papunta noon sa isang firing range kaya nagmamadali at mainit na ang ulo dahil atrasado na siya ng may tatlumpung minuto.

Ibig sabihin ay may dala siyang baril.

Kung hindi ako kalmado, puwedeng naging marahas ang paghaharap namin nang hinarangan niya ang aking sasakyan. Suwerte pa rin niya dahil toothpick lang ang dala ko noon.

Kaya mahalaga talagang huwag magpadalus-dalos, magpadaskul-daskol sa mga kilos, pananalita at asal saan mang luagar naroroon.

Nagaganap ito ngayon sa lahat ng ahensya ng ating pamahalaan lalo na pagdating sa pondo at kabang-yaman ng ating bayan. Hinay-hinay lang. Ang pera ng bayan ay galing sa buwis ng nakararaming Pilipino kaya ito ay dapat mapunta sa kabutihan ng ating mga kababayan, tulad ng edukasyon, kalusugan, agrikultura o pagkain para sa nutrisyon upang hindi maging mahihina ang katawan ng mga istudyante natin upang higit na tumalas ang kanilang mga isipan sa pag-aaral at maging mga produktibong kasapi ng ating lipunan. \

Ang mga desisyon o patakaran tungkol sa pagpapaunlad ng bayan at kabuhayan ay nararapat na pinag-aaralan, nirerepaso, binabalik-balikan ng maraming ulit upang hindi ito maging padalus-dalos o padaskul- daskol na gawain.

Sa gayon, ang anumang resulta ng mga pagbabalik-aral o kalalabasan ng anumang mga plano at desisyon ay mauuwi sa kabutihan ng nakararaming mga Pilipino at hindi nang iilang tao lamang.

AUTHOR PROFILE