BBM1

P265M pondo inilaan sa Davao region

February 7, 2024 Chona Yu 107 views

NAGLAAN si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng P265 milyon pondo mula sa Presidential Social Fund (PSF) para sa mga lalawigan sa Davao Region na lubhang naapektuhan ng mga pagbaha dulot ng Shear Line at Low Pressure Area (LPA).

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag matapos ang aerial inspection sa mga lugar na binaha at situation briefing sa Davao kasama sina Vice President Sara Duterte, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, Special Assistant to the President Anton Lagdameo at DND Secretary Gibo Teodoro at iba pang mga lokal na opisyal doon.

Sa nasabing briefing ay iprinisinta ng mga lokal na pamahalaan at ahensiya ng gobyerno ang laki at lawak ng pinsala sa Davao Region dahil sa shear line at LPA nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Gatchalian, pinayagan ni Pangulong Marcos ang paglalabas ng P 265 milyon pondo mula sa kanyang PSF bukod pa sa emergency cash assistance.

Maliban dito, inatasan din ng punong ehekutibo ang mga ahensiya ng gobyerno na magmobilize agad ng pagkain at cash sa mga apektadong residente .

Naglaan din ng P30 milyon para sa mga lalawigan ng Davao del Norte (127 barangay); Davao Oriental (125 barangays); Agusan del Sur (152 barangays); at Davao de Oro (154 barangays).

Habang P25 milyon naman sa mga lalawigan ng Surigao del Sur (38 brgys) at Maguindao del Sur (30 brgys); P20 milyon naman sa Davao City (11 brgys); Butuan City (11 bgys) at Davao Occidental (9 brgys).

Gayundin sa lalawigan ng Agusan del Norte (7 brgys) at P10 milyon sa mga lalawigan ng Cotabato (5 brgys) at Bukidnon (4 brgys).

Sa tingin ni Pangulong Marcos, base sa kanilang mga ulat na natanggap hindi lang pagkain at iba pa ang dapat ibigay ng gobyerno kundi maging pambili ng mga pangangailangan nila sa bahay kaya dapat lang bigyan ang mga residente dito ng emergency cash assistance.

Aniya ang paglalabas ng P265 milyon ay para mapabilis ang tulong at maramdaman kaagad ng tao ang tulong ng gobyerno.

Personal din nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Marcos sa Davao region para maa-assess ang lawak ng pinsala sa rehiyon.

AUTHOR PROFILE