Default Thumbnail

‘One strike policy’ ni Gen. Danao tuloy

June 15, 2022 Edd Reyes 281 views

Edd ReyesMULING ipinaalala ni Acting Philippine National Police (PNP) chief P/Lt. Gen. Vicente Danao, Jr. sa mga police station commanders na mabibigong sugpuin ang ilegal na sugal sa kanilang nasasakupang lugar ang umiiral na “one-strike policy”.

Matagal din kasing walang nasampulan dahil zero as in wala talagang ilegal na sugal sa mahabang panahon dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19 kaya baka nalimutan na ng mga police station commanders ang umiiral pa ring kautusan.

Ngayon kasing nasa Alert Level I na ang maraming lugar sa bansa, kanya-kanya ng diskarte ang mga operator ng ilegal na sugal lalu na sa mga itinatayong mini-carnival kaya siguro nalilingid ang kanilang operasyon sa kapulisan.

Dito lang sa Queensrow Central Park sa Bacoor, Cavite, lihim daw ang operasyon ng mga operator na nagtatago sa alyas Nelma at Tata kaya naiisahan nila ang station commander na nakakasakop sa lugar. Pero dahil maangas daw itong alyas Tata, mukhang namumurong mabisto na ang kanilang ilegal na operasyon.

Nagmistula kasing kabute na nagsulputan ang mga mesa ng drop ball at numbers game sa iba’t ibang lugar sa Cavite na pawang nagtatago lamang sa kani-kanilang alyas ang mga operator para hindi mabuking ng kapulisan at lokal na pamahalaan.

Ilan dito gumamit ng alyas na Emily at Lito sa Brgy. Santiago sa Arnaldo Highway, Gen Trias, alyas Mely at Noemi sa Binakayan tabi lang ng barangay sa Tirona Highway, alyas Mitch sa Brgy. Panamitan, Baby at Sing sa Brgy. Poblacion sa tapat pa ng simbahan ng Mary Magdalene na pawang nasa Kawit at alyas Egay sa Gen. Trias Drive sa Rosario Cavite sa harap lang ng Honda Motors.

Lagot kayo kapag nabisto na ng mga station commanders ang ilegal na aktibidad sa mga peryahan sa inyong lugar dahil tiyak na tigil ang inyong operasyon bago ang mga opisyal pa ng kapulisan ang masibak dahil sa umiiral na one strike policy ni Gen. Danao.

PAGBATI NG KAARAWAN

NAIS ko nga palang ipaabot ang pagbati sa aking anak na si Gary na nagdaos ng kanyang kaarawan nito lang Hunyo 13, kasabay ng anibersaryo ng kanilang kasal ng asawang si Jackielyn, pati na ang pagbati sa aking kapatid na si Ate Bella at aking manugang na si Joan Dianne, maybahay ng anak kong si Edward, na magkasabay nagdiwang ng kanilang kaarawan kahapon, Hunyo 15.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-3478363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE