Default Thumbnail

‘Oil spill’ sa Osmeña highway nagdulot ng aksidente

February 20, 2023 Jonjon Reyes 407 views

NAGKAROON ng mabagal na pagdaloy ng trapiko sa kahabaan ng Osmeña Highway northbound lane bandang San Andres Street, Maynila dulot ng “oil spill” mula sa isang Ford pickup truck kung saan may mga nadulas na motorsiklo at naaksidente sa nasabing lugar Lunes ng tanghali.

Dalawang sakay ng motorsiklo ang sugatan at isang BMW wagon ang nabangga batay sa ulat dulot ng madulas na kalsada at pagsemplang.

Ayon sa ulat ni Police Major Jaime Gonzales, chief investigator ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang 11:30 ng umaga, nang maganap ang aksidente sa nasabing lugar.

Sa inisyal na report, ang nasabing pickup truck ay dumaan sa lugar habang tumatagas umano ang langis mula rito na nagkalat ng ilang metro at nagdulot ng aberya sa mga dumaraang sasakyan.

Agad namang rumesponde ang isang fire truck upang bombahin ng tubig ang tumilapon na langis habang ang mga dumaraang motorista ay pinayuhang magdoble-ingat at magdahan-dahan sa pagpapatakbo ng kailang mga sasakayan upang maiwasan ang disgrasya.

Katuwang ng mga bumbero sa paglilinis sa nagkalat na langis ay ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na agad din dumating sa lugar.

Agad naman umanong naitabi sa gilid ng kalsada ang sasakyan na tumagas ang langis.

Dinala na ang mga sangkot na sasakyan sa MDTEU para sa karagdagang imbestigasyon sa nangyaring aksidente.

AUTHOR PROFILE