Default Thumbnail

Mga kawani ng lungsod, ‘inalok’ ni Mayor Honey ng pabahay

February 20, 2023 Edd Reyes 380 views

HINIMOK ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na nagnanais makinabang sa itinatayong pabahay ng pamahalaang lungsod na makipag-ugnayan na sa Tanggapan ng Paninirahang Urban ng Maynila o ng Manila Urban Settlement Office (MUSO).

Ginawa ng alkalde ang panawagan sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas, Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan, kasabay ng kanyang pasasalamat sa pamunuan ng MUSO sa aniya ay pagsusumikap ng mga ito na mabigyan ng isang disente at maayos na tahanan ang mga pamilyang Manileño.

Nauna ng binanggit ni Atty. Danilo De Guzman, ang hepe ng MUSO, na siyang naging punong abala sa ginanap na pagpupugay sa watawat, na patuloy ang kanilang pagsusumikap, katuwang ang lokal na pamahalaan, na maisayos ang mga nakatayo ng pabahay tulad sa Tondo, Baseco, at Binondo.

Sinabi pa ni Mayor Lacuna-Pangan na matatapos na rin ang tatlo pang mga itinatayong pabahay sa San Lazaro, San Sebastian, at sa Pedro Gil kung saan unang-una aniyang makikinabang ay ang mga kawani ng Manila City Hall.

“Ang kagandahan po ng ating mga pabahay ay parang iniipon lang natin ang inyong buwanang ibinabayad. Kasi, pagdating ng panahon at gusto n’yo ng lisanin yung inyong pabahay ay maibabalik sa inyo yoon pong buwanan niyong ibinabayad,” pahayag ng alkalde.

“Ang isa pa rin pong kagandahan sa ating mga pabahay, napakababa po ng buwanang ibinibigay ninyo. Kung hindi ako nagkakamali, pinakamataas na po diyan, P3,000.

Eh, hindi naman po basta-basta ang pabahay dito sa Lungsod ng Maynila. At para yan sa mga private condominiums dito sa ating bansa,” pagmamalaki pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Idinugtong pa ng alkalde na sadya niyang inunang sabihan ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng lungsod upang sila ang unang makinabang sa pinaghirapan nilang lahat.

AUTHOR PROFILE