Samonte Kinakausap ni P/Maj. Edward Samonte (nakaupo), hepe ng Smart DID-MPD ang suspek sa kasong ‘rape’ matapos malambat sa Intramuros, Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mangingisdang wanted sa ‘rape’ tiklo sa Intramuros

February 20, 2023 Jonjon Reyes 432 views

NALAMBAT ng mga operatiba ng District Investigation Division-Special Mayor’s Reaction Team (DID-SMaRT) ang isang “most wanted person” (MWP) sa kasong panggagahasa sa Intramuros, Maynila, Lunes ng umaga.

Ang suspek na naitala na MWP sa district level, ay isang 38-anyos na mangingisda, tubong Maasin, Southern Leyte.

Ayon kay Police Major Edward Samonte, hepe ng DID-SMaRT-MPD, pasado alas 8:25 ng umaga nitong Pebrero 20, nang malambat ang suspek sa panulukan ng Padre Burgos at Victoria Streets, sa Intramuros.

Ang warrant arrest ng suspek ay inisyu ni Presiding Judge Roberto P. Quiroz ng Regional Trial Court (RTC) Branch 29 ng Maynila, Hulyo 20 2012 sa kasong “rape” sa ilalim ng Revised Penal Code at walang inirekomendang piyansa.

Base sa report ni Samonte, iniutos nito sa kanyang tauhan na si P/Maj. Emmark Dave Apostol, deputy chief ng DID-SMaRT, ang mabilisang aksyon makaraang makatanggap ng “tip” mula sa isang impormante sa kinaroroonan ng suspek

Pinuri naman ni “The Game Changer General” MPD Director Andre P. Dizon ang mga operatiba ng DID-SMaRT at si Samonte sa agarang pagdakip sa suspek.

AUTHOR PROFILE