Default Thumbnail

NZ tourist, binaril ng holdaper sa Makati, dedo

February 20, 2023 Edd Reyes 749 views

INIUTOS na ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft ang malawakang pagtugis sa dalawang hinihinalang holdaper na bumaril at nakapatay sa 34-anyos na turista mula sa New Zealand Linggo ng madaling araw sa Makati City.

Namatay kaagad sanhi ng isang tama ng bala sa kaliwang dibdib ang biktimang si Nicholas Peter Stacey, binata at pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Barangay Palanan, Makati City.

Sa ipinadalang ulat ni Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Maj. Gen Jonnel Estomo, kararating lang ng biktima sa tinutuluyang hotel, kasama ang kanyang 31-anyos na Pinay na kasintahan, dakong alas-11 ng gabi noong Sabado mula sa pagbabakasyon sa Palawan.

Nagpasiya nila umanong magtungo muna sa bahay ng dalaga sa Bgy. San Isidro pasado alas-12 na ng hatinggabi ng araw na ng Linggo upang kuhanin ang mga gamit ng babae na dadalhin nila patungo naman sa Batangas at dalhin na rin sa laundry shop ang mga maruruming damit.

Habang naglalakad sa kahabaan ng Filmore St. Bgy. Palanan sa harap ng Cash and Carry Mall dakong alas-12:25 ng madaling araw, huminto sa tabi nila ang isang NMax na motorsiklo, sakay ang dalawang lalaki, at kaagad na bumaba ang naka-angkas bago tinutukan ng baril ang Pinay, sabay deklara ng holdap.

Nang makita ng dayuhan na lumayo ang kasama ng holdaper upang iparada ang motorsiklo, dito na niya tinangkang agawin ang baril ng suspek subalit kaagad siyang pinaputukan sa dibdib na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Bago tumakas, hinablot ng holdaper ang wallet at cellular phone ng babaeng biktima habang tanging ang numero lamang ng plaka ng motorsiklo na 00111 at hindi ang controlling letter nito ang nakuha ng dalaga.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. John Robert Baligod, walang suot na helmet ang naka-itim na t-shirt, pulang short at facemask ang bumaril sa biktima habang kulay itim rin na t-shirt at gray short pants ang naka-half face helmet na nagmamaneho ng motorsiklo.

AUTHOR PROFILE