Candidates

‘Nuisance candidates’

April 18, 2023 People's Tonight 195 views

TUWING may eleksyon sa Pilipinas, nasyonal man o lokal, ay sakit ng ulo ng mga taga-Commission on Elections (Comelec) ang mga tinatawag na “nuisance candidates.”

Ito ‘yong mga kandidatong naglalagay “in a mockery” ang proseso ng eleksyon sa bansa at nagiging dahilan pa sila ng pagkalito ng mga rehistradong botante.

Noon ngang nakaraang May 2022 national and local elections ay mahigit na 300 “nuisance candidates” ang naghain ng certificates of candidacy, ayon sa record ng poll body.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na wala silang “bona fide” intensyon “to run for public office.” Ang tanging gusto nila ay masabotahe ang kandidatura ng kalabang politiko.

Ang iba ay gusto lang yatang malagay sa kasaysayan na minsan ay naging kandidato sila sa pagka-Pangulo, Bise Presidente, senador, congressman, gobernador o mayor.

Pero ang problema ay napakalaking perhuwisyo ito sa mga taga-Comelec. Dagdag gastos at pagsasayang ng oras ang paghahain at pag-screen ng “nuisance candidacies.”

Kaya nga marami ang pumapabor sa panawagan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, isang abogado, na i-criminalize na ang paghahain ng mga ganitong kandidatura.

Ginawa ni Garcia ang panawagan sa isang public hearing ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Noong nakaraang 18th Congress ay merong inihain na kaparehong panukala, ayon pa sa Comelec chairman.

Kagaya ni Garcia, naniniwala tayo na matitigil lang ang practice na ito kung i-criminalize ng Senado at Kamara de Representante ang paghahain ng “nuisance candidacies.”

Hindi ba, Vice President Sara Z. Duterte?

AUTHOR PROFILE