Suarez

No more palusot, dapat kang sumipot

March 11, 2024 People's Tonight 53 views

Suarez kay Quiboloy

HINDI na dapat ipagpaliban pa ang pagdalo ni televangelist Apollo Quiboloy sa gagawing pagdinig ng House committee on legislative franchises na nakatakda sa araw ng Martes.

Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, hindi tatanggapin ng Kamara na maantala pa ang pagdinig at wala namang dahilan si Quiboloy sa hindi pagdalo.

“Pastor Quiboloy has to respect the legislative process of Congress. He was invited and asked to present himself so that he can clarify issues regarding the investigations being conducted by the Committee on Franchise,” ayon kay Suarez sa ginanap na regular press conference sa Mababang Kapulungan.

Si Quiboloy ay una na ring pinadalhan ng subpoena ng komite, upang bigyang linaw ang kaugnayan sa Swara Sug Media Corporation, na nago-operate bilang Sonshine Media Network International (SMNI), na nais tanggalan ng Kamara ng prangkisa dahil sa iba’t ibang mga paglabag.

Iginiit ni Suarez na mahalaga ang pagdalo ni Quiboloy upang magbigay ng kaniyang testimonya, sa kabila ng patuloy na pagtanggi ng kaniyang mga abogado na wala na siyang kinalaman sa pamamahala at operasyon ng network simula pa noong 2018.

“Vital po kasi ‘yung information ni Pastor Quiboloy dahil naniniwala po kami, meron po siyang alam at may kinalaman po siya para mas lalong mapag-aralan ng committee ‘yung mga nabanggit na mga violations ng SMNI at ng Swara Sug doon sa franchise na kanilang pinanghahawakan,” ayon kay Suarez.

Binigyan diin pa ni Suarez, karaniwan na ang pag-iimbita ng komite ng mga resource person upang magbigay linaw sa iba’t ibang usapin, at ang hindi pagdalo ni Quiboloy ay hindi katanggap-tanggap.

“I don’t think Pastor Quiboloy should be an excuse from the many people that have presented themselves and became resource persons for any issue that the House has taken,” dagdag pa ni Suarez.

Paliwanag naman ni 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez, may akda ng panukala ng pagbawi sa prangkisa ng SMNI, hindi siya kumbinsido sa katuwiran ng mga abogado ng pastor, na tanging si Quiboloy ang makakapagpaliwanag ng mahahalagang detalye na kinakailangan ng komite tungkol sa pamamahala ng SMNI.

“Hindi na po ‘yon bago, with all due respect to whatever sentiment they may have. During the initial deliberations that we’ve had doon sa hearing po sa committee, nagpadala din po ng abogado si Pastor Quiboloy at hindi na ho bago iyong katuwiran na iyon na wala daw pong kinalaman and wala na po siya sa SMNI,” giit pa ng mambabatas.

Sinabi pa ni Gutierrez na matapos ang mahabang deliberasyon, naniniwala ang komite na kailangan ang presensya ng pastor sa pagdinig.

“Whether or not the reason will stand, we have to see po as far as we’re concerned under Congress kailangan po mag-attend po ni Pastor,” ayon pa sa mambabatas.

Ayon kay Gutierrez, ito ay isang pagkakataon kay Pastor Quiboloy upang linawin ang magkakasalungat na pahayag at magbigay ng mas malinaw na timeline sa mga pangyayari kaugnay sa pamamahala ng SMNI.

“We call on Pastor Quiboloy to attend because like we’ve always said, this would be the best opportunity to explain his side,” giit pa ni Gutierrez.

Dugtong naman ni Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan, ang pagsipot ni Quiboloy sa komite ay kinakailangan para sa tamang pagpapasya ng komite kaugnay sa pagbawi ng prangkisa.

“I think it’s important to remember that the power to compel attendance is very important for the House of Representatives in order to make effective and wise judgments regarding legislation it aims to make,” ayon kay Suan.

Ang SMNI ay nahaharap sa posibleng pagbawi ng prangkisa dahil na rin umano sa samu’t-saring mga paglabag, pagpapakalat ng fake news, red-tagging at serious corporate offenses.

AUTHOR PROFILE