Default Thumbnail

NDRRMC sa OP, pwede!

November 10, 2022 Paul M. Gutierrez 240 views

PaulNAIS ni Pangulong BongBong Marcos (PBBM) na direktang mapunta sa ilalim ng Office of the President (OP) ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang mas mapahusay ang tugon ng gobyerno tuwing may mga kalamidad at sakuna.

Binanggit ito ng Pangulo sa anibersaryo ng Bagyong Yolanda sa Tacloban City at ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit aniya mas magiging maganda kung mapupunta sa OP ang NDRRMC.

Naniniwala ang Pangulo na dapat maging prayoridad ang pagtugon sa mga kalamidad at sakuna dahil sa climate change.

Bagamat sinabi ng Pangulo na maganda naman ang pagtugon na ginagawa ng NDRRMC pero maaaring mas maging epektibo ito kung direktang mapapamunuan ng OP lalo na sa mga agarang desisyon. May mga pamamaraan umano kung paano mapapabuti ang operasyon ng NDRRMC kung nasa OP ito.

Dagdag ng Pangulo na lalong lumalakas ang mga bagyo at nagiging mas mapaminsala ang mga kalamidad kaya kinakailangan ang mga agarang reporma para mas maging aktibo at epektibo ang pagtugon sa mga sakuna. Mas magagawa ito kung nasa kaniyang pamamahala ang NDRRMC.

Tingin natin na magandang subukan ito dahil mahalaga ang mga agarang desisyon at pagtugon sa tuwing may sakuna at kalamidad. Makakatulong ng malaki kung sa OP mismong magmumula ang mga kautusan para mapabilis ang serbisyo na kinakailangan sa mga ganitong pagkakataon.

Magandang makasubok ng mga bagong pamamaraan dahil bago ang mga kinakaharap na problema ng ating bansa pagdating sa mga kalamidad at sakuna. At tulad ng ating nasabi na, naniniwala si PBBM na totoo ang climate change at prayoridad ito ng gobyerno.

At nakikita naman talaga natin ang mga nagiging epekto ngayon sa atin ng mga bagyo. Lubhang nagiging mapaminsala at nagiging sunud-sunod na halos taun-taon ay bilyung-bilyong halaga ng mga ari-arian at imprastraktura ang nasisira. Maliban pa ito sa maraming buhay na nawawala.

Bagamat masasabi nating marami nang trabaho ang kinakaharap ang isang Pangulo, sa mga ganitong pagkakataon na may sakuna at kalamidad ay ang presensiya at liderato ng Pangulo ang laging hinahanap.

Siyempre, kapag nandiyan ang lider ay nagbibigay ito ng mataas na moral hindi lamang sa mga naapektuhan o biktima maging sa mga rumeresponde dito. Iba ang kanilang pakiramdam kapag nakikitang namumuno sa kanila ay ang mismong Pangulo.

Kaya naman tingin natin na marapat lamang na mabigyan ito ng pagkakataon na makatugon at mamuno sa mga ganitong panahon na kailangan na kailangan ng mga mamamayan ang serbisyo mula sa gobyerno.

Kung ating iisipin ay talaga naman dapat na nasa ilalim ng OP ang NDRRMC dahil kumbaga sa gera kailangan mo ang commander-in-chief. At sa pagharap natin sa mga sakuna ay para tayong humaharap sa gera.

Kung ganito ang iniisip ng Pangulo, malinaw na nais niyang maging hands-on sa kaniyang prayoridad sa pagharap sa mga banta ng climate change sa bansa. Kung narito ang kaniyang interes at nakikitang dapat na maging prayoridad, kailangang masuportahan siya ng buong burukrasya ng gobyerno.

Kaya naman sa tingin natin ay pwedeng-pwede itong mangyari at tiyak natin na may mga positibong resulta kung maililipat sa OP ang NDRRMC. Kailangan nating sumubok ng bago para malaman natin kung ano talaga ang epektibo.

AUTHOR PROFILE