Default Thumbnail

Nasa Bonanza ng IRA ng LGUs ang pag-asa

July 9, 2022 People's Tonight 275 views

ANG pagpapatupad ng Mandanas ruling ay mainam para sa mga LGU na may tungkulin na saluhin ang mga programa ,proyekto at serbisyo na dating hinahatid ng pamahalaang nasyonal sa ilalim ng “devolution” . Ang biglang yaman ng LGU ay kailangan sabayan ng mga kilos upang masinop ang paggastos ng pondo ng bayan. Nasa tamang paggamit ng bonanza ng IRA ng mga LGU ang pag-asa para malampasan ang mabibigat na hamon sa mga panahong ito.

Ipinapatupad ngayong 2022 ang Mandanas ruling ng Korte Suprema. Tinatayang 27.61% ang tuwirang itataas ng Internal Revenue Allotment (IRA) na tatanggapin ng mga Local Government Units(LGU). Dati rati, ang IRA ay 40% ng nakolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue noon ikatlong taon bago ang kasalukuyang taon na isinasaad sa Seksyon 284 ng Local Government Code(LGC). Sinasabi sa Mandanas ruling na mali at taliwas sa Sekyon 6 Artikulo 10 ng 1987 Konstitusyon ang Seksyon 284 (LGC) dahil nililimitahan nito sa mga “internal revenue taxes” lamang ang pagkukunan ng IRA. Ang utos ng 1987 Konstitusyon ay sa mga “pambansang buwis” manggagaling ang makatwirang parte ng mga LGU at kabilang dito ang mga customs duties na kinokolekta ng Bureau of Customs( BoC).

Para sa 2022, P959 Bilyon ang IRA na paghahati-hatian ng 81 lalawigan, 145 lungsod, 1,489 na mga bayan, at 42,029 na mga barangay. Ang P193.7Bilyon ay nagmula sa koleksyon ng BoC.( Implications of the SC Ruling on the Mandanas Garcia IRA case, Diaz-Manalo, Estrada and Bayot, https://cpbrd.congress.gov.ph; huli kong nabasa noon Hunyo 21,2022).

Ang EO 138 Series of 2021 ( nilabas noon Hunyo 2021) ang nagsisilbing gabay ng mga apektadong ahensiya ng pamahalaang nasyonal at mga LGUs upang makamit, sa taon 2024 ,ang “full devolution “ ng mga serbisyong nakalista sa Seksyon 17 (LGC) gamit ang IRA.

Isa sa pilosopiya ng EO 138 Series of 2021 ang pagkilala sa katotohanan na hindi pantay pantay ang abilidad at kakayanan ng iba’t ibang LGU. Ang mayamang LGU ay lalong yayaman at ang mahirap na LGU ay hindi siguradong aangat ang sitwasyong pinansyal kahit na nadagdagan ang pondo nito sapagkat kakainin lamang ito ng lumobong gastusin bunga ng mga dumaming programang kailangan nilang ipatupad. Upang hindi pumangit at mabalda ang mga sasaluhing serbisyo na isinalin sa kanila ng pamahalaaang nasyonal, binuo ang Growth Equity Fund o GEF na sustento sa mga naghihikahos na LGUs sa susunod na dalawang taon ng transisyon o higit pa sa panahong ito kung kinakailangan. May haka haka na ilan sa pormularyo sa pagpili ng mga LGUs na mabibigyan ng GEF ay ang per capita ng IRA ng partikular na LGU at ang dalas ng pagkakaroon ng kahirapan ng mga nakatirang pamilya sa nasasakupan ng naturang LGU.

Alinsunod sa EO 138 Series of 2021, kailangan seryosohin ang mga hakbang na tinakda sa LGU Transition plan , siguraduhin ang tamang pagpapatupad ng LGU Capacity Development Agenda (CapDev) para gumaling agad ang kakayanan ng LGU sa paggamit ng IRA at madaling maunawaan ng mamamayan ang pagbabago ng mga tungkulin na gagampanan ng LGU at pamahalaang nasyonal ayon sa LGU Communication and Strategy Plan.

Bagamat walang batas na makakapigil sa LGU kung saan gagastusin ang bonanza ng IRA , hindi dapat mag-Asyong Aksaya ang mga LGU sapagkat maaaring lumiit ang IRA sa mga susunod na taon at matitigil tiyak ang mga pangakong luho sa botante nila Gob, Mayor , Konsehal at Kapitan.

Para sa taon 2023, ang pagmumulan ng IRA ay ang koleksyon ng mga pambansang buwis sa taon 2020 na mas maliit ng 11.4% kumpara sa taon 2019.Kasagsagan ng pandemiya ang 2020 at tumamlay ang ating ekonomiya. Mayroon din tayong P1.4Trilyon deficit sa taon 2020. Kung ang public sector deficit ay hindi makokontrol, baka ibaba sa 30% na lamang ng koleksyon ng pambansang buwis ang IRA.

Kahit na mayroon pang mga lokal na buwis, butaw, cedula , at amelyar na panggagalingan ng pondo ang mga LGU, kailangan pa rin rendahan ng mga LGU ang paggastos ng IRA at unahin ang mga programang pang kalusugan ,edukasyon ,agrikultura at kalikasan na nakapaloob sa LGU development plan na nakakabit sa pambansang agenda ng kaunlaran . Isantabi na ang mga walang kuwentang projects tulad ng pa-uniporme sa mga sports festival at pagkuha ng mga bantay-anu-ano na ang tanging layunin ay maihalal lang muli ang naghaharing uri.

AUTHOR PROFILE