Default Thumbnail

Nanutok ng baril sa traffic enforcer, kulong sa Malabon

June 26, 2021 Edd Reyes 461 views

IPINAGKANULO ng kahambugan ang isang tsuper matapos maaresto nang tutukan ng dalang baril ang isang traffic enforcer na sumita sa pagmamaneho niya ng tricycle na walang prangkisa Biyernes ng hapon sa Malabon City.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang isinampa ng pulisya laban kay Roger Trabajales, 45, residente ng Tolentino St. Tagaytay City, Cavite matapos makumpiska sa kanya ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang isang pellet gun na may kargang bala sa magazine.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Jeric Tindugan, nagmamando ng trapiko sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy. Tinajeros si Ramir Maclang, 40, traffic enforcer ng Public Safety and Traffic Management Office ng Malabon, nang mamataan niya ang minamanehong tricycle ni Trabajales na walang nakalagay na sticker na isang pagpapatibay kung may prangkisa ito sa lokal na pamahalaan.

Nang sinita ni Maclang si Trabajales, binuksan nito ang dalang sling bag at kinuha ang dalang baril sabay tutok kay Maclang na nahintakutan sa pag-aakalang tunay na baril ang pellet gun ng suspek.

Dito na sinamantala ni Trabajales ang pagkakataon at mabilis na pinaharurot patakas ang minamanehong tricycle subalit nang mahimasmasan si Maclang ay kaagad niyang sinundan ang suspek, sakay ng kanyang motorsiklo.

Pagsapit sa kanto ng Gov. Pascual Avenue at Valdez St., Bgy. Catmon, nakahingi ng tulong si Maclang sa nagpapatrulyang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

AUTHOR PROFILE