Crime

NANAY PINATAY SA HARAP NG ANAK

November 24, 2023 Edd Reyes 203 views

BINARIL ng hindi pa kilalang salarin ang 35-anyos na solo parent na ginang sa harap mismo ng kanyang menor-de-edad na anak na lalaki, Huwebes ng gabi sa Caloocan City.

Namatay kaagad sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na residente ng Tupda Village sa Barangay 8, habang mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabuwat, at iniwan ang 13-anyos na anak ng biktima na hindi makahuma sa labis na pagkasindak.

Sa ulat na ipinadala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District Director, P/BGen. Rizalito Gapas, naganap ang malagim na insidente sa harap ng Jonahvee Store sa Bgy. 8 habang naglalakad ng pauwi ang mag-ina dakong alas-8:45 ng gabi.

Ayon kay Lacuesta, kalalabas lang ng naturang tindahan ng mag-ina matapos bumili ng sigarilyo at inumin nang lapitan ng lalaking naka-angkas sa motorsiklo at walang babalang binaril ng hawak na armas ang ginang na tinamaan sa tiyan.

Sa kabila ng pagtatamo ng tama ng bala, nagawa pang tumakbo ng ginang subalit hinabol siya ng suspek at ilang ulit na pinagbabaril na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Nagsagawa naman kaagad ng pagtugis ang mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section o IDMS at Police Sub-Station 4 ng Caloocan, subalit nabigo na silang mahabol at makilala ang mga suspek.

Sinabi ni Lacuesta na patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Homicide Section upang alamin ang motibo sa naturang pamamaslang.

AUTHOR PROFILE