Default Thumbnail

MWP sa Las Piñas, kalaboso sa CamSur

March 9, 2023 Edd Reyes 234 views

NATUNTON ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa Camarines Sur ang 20-anyos na lalaking akusado sa panghahalay, pagmamalupit, at pagpapakalat ng hubad na larawan sa social media ng kanyang biniktima sa Las Piñas City.

Sa natanggap na ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Edgar Alan Okubo mula kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft, nagtungo kaagad ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Las Piñas Police Station sa Bgy. Duran, Balatan, Camarines Sur makaraang matanggap ang impormasyon na doon nagtago ang suspek na kabilang sa listahan ng “most wanted person” (MWP) ng SPD.

Sa tulong ng mga tauhan ng Balatan Municipal Police Station (MPS), naisilbi sa akusado ang inilabas na warrant of arrest ni Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Judge Nerina CN Anastacio-Mendinueto ng Branch 199 laban sa kanya para sa tatlong bilang na kasong panghahalay, apat na bilang na kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9262 o Violence Against Women and Children, at apat na bilang din sa paglabag sa RA 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, Miyerkules ng dakong alas-6:44 ng gabi.

Ayon kay Kraft, naglaan ang hukuman ng kaukulang piyansang P72,000 sa bawa’t bilang ng kasong RA 9262, P168,000 sa bawa’t bilang paglabag sa RA 9995 habang walang piyansang inirekomenda sa tatlong bilang na kasong panggagahasa.

Naibiyahe na pabalik sa Las Piñas City ng mga tauhan ng WSS ang suspek na kasalukuyang nakapiit pansamantala sa custodial facility ng Las Piñas Police Station habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Las Piñas City Jail.

Nagpaabot naman ng pagbati si Okubo sa mga tauhan ng Las Piñas Police sa kanilang mabilis na aksyon sa pagtugis sa mga kriminal na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado.

AUTHOR PROFILE