Joey Sarte Salceda

Military Pension substitute bill OK na sa House MUP super panel

June 13, 2021 People's Tonight 1240 views

PASADO na sa ‘Super Ad hoc Committee on the Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension System’ ng Kamara ang ‘MUP Pension substitute bill’ kung saan pinagsama-sama ang magagandang panukala para gawing lalong matatag ang pondo sa pensiyon ng mga kasundaluhan at katulad nilang nasa serbisyong unipormado na lalong makatutugon sa kanilang pangangailangan.

Pinamamatnugutan ni Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda, ang ‘MUP super body’ ay binubuo ng lahat na miyembro ng limang pangunahing kumite ng Kamara, kasama ang ‘Ways and Means’ na pinamumunuam din ni Salceda, ‘Government Enterprises, Defense, Appropriations, and Public Order.’

Itinatag ito kamakailan bilang tugon sa alarmang nilikha ng ‘Saving the MUP Pension bill’ na inihain ni Salceda nitong buwang nakaraan tungkol sa nagbabantang total fiscal collapse” ng sistema sa pensiyon ng mga retiradong sundalo, pulis at ibang katulad nila, kung hindi agad marereporma ang naturang sistema. May P9.6 trilyong ‘unfunded deficit’ na diumano ang ‘MUP pension system’ katumbas ng 53.4% ng ‘nominal gross domestic product (GDP)’ noong 2020 na “magiging 66% ng ‘target deficit’ ng bansa sa 2035.”

Ayon kay Salceda, inaprubahan nila ang ‘substitute MUP Pension bill’ matapos maresolba ang maseselang isyu at magkasundo ang mga kasapi ng kumite at kinunsulta nilang mga opisyal ng militar at kagaya nilang serbisyo.

Isinulong ni Salceda amg karagdagang ‘disability benefits’ sa ilalim ng lilikhaing ‘insurance system na ipinanukala ni Rep. Raul Tupas upang lalong palakihin ang benepisyo para sa mga pensiyunadong nagtamo ng kapinsalaan habang nasa serbisyo. “Ang karagdagang benepisyomg naturan mula sa ‘insurance’ ay bukod pa sa mga dati na nilang tinatanggap,” dagdag niya.

Bahagi din ng aprubadong ‘bill’ ang panukala ni Rep. Rufino Biazon na dapat ay maliwanag kung sino talaga ang mga kasapi sa “MUP system’ kung saan dapat ding makasama ang mga ahensiyang gaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

“Tama lang na dapat harapin na natin ito ngayon bago pa ito maging delubiyo. Batay sa nakikita kong pagkakasundo ng mga kasapi ng “MUP super panel,’ naniniwala akong matutugunan ito agad ng mga akmang reporma,” dagdag niya.

Kasama sa mga tampok na reporma sa inaprubahang bill ang mga sumusunod: pagtigil sa ‘automatic indexation’ ng bayad sa pensiyon ngunit pananatilihin ang hindi pag-ambag ng mga MUP sa pundo ng pensiyon; batay sa ‘cost-of-living adjustment’ ang pagdagdag sa pensiyon; italaga sa 56 taon gulang ang pagretiro; hayaan ang pagretiro pagkatapos ng 20 serbisyo; higit na mataas na benepisyong ‘insurance’ para sa nasugatan o namatay habang nasa serbisyo; at paglikha ng ‘Military and Uniformed Services Trust Fund.’

AUTHOR PROFILE