Default Thumbnail

Mga pekeng produkto, huli sa Port of Subic!

July 19, 2023 Vic Reyes 170 views

Vic ReyesKAGAYA ng lagi nating sinasabi, mahirap talagang patigilin ang pagpasok ng mga kontrabando sa Pilipinas, kabilang na ang mga ipinagbabawal na gamot at produktong agrikultura.

Sa dami ng mga isla natin, mahigit pitong libo, ay imposibleng mabantayan ng Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG) at bago mailabas sa mga warehouse o bodega ang mga kontrabando ay kailangang masakote ng mga operatiba ng BOC, kasama ang iba pang ahente ng gobyerno.

At ‘yan nga ang ginagawa ngayon ng mga opisyal at tauhan nina Commissioner Bienvenido Y. Rubio at Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy.

Bihasa sa pagkalap ng intelligence reports ang mga taga-BOC kaya nasasakote ang mga container na may lamang kontrabando.

Sa Port of Subic sa Zambales ay dalawang 40-foot containers na may lamang pekeng produkto na nagkakahalaga ng mahigit P240 milyon ay kinumpiska ng mga tauhan ni District Collector Carmelita “Mimel” S. Manahan-Talusan.

Ang counterfeit goods ay kinabibilangan ng Balenciaga, Louis Vuitton, Adidas, Calvin Klein, Under Armour, Lacoste, GAP, Nike, Zara,Reebook at iba pang brands.

Sa pamamagitan ng 100% physical examination at cross-referencing ng documentation ay natunton ng mga ahente ang mga container na may lamang counterfeit goods.

Nakita sa dalawang containers ang 1,269 kahon ng pekeng produkto “bearing trademarks and copyrighted materials without the required authorization from the rights holders.”

Ang dalawang container ay nauna ng napabalitang naglalaman ng T-shirts.

Pero kalaunan ay nakitang naglalaman ang mga ito ng iba’t ibang brand new “apparel with logos and designs of branded goods.”

Sinabi ni Talusan, anak ni dating BOC Depcom Julie Singson-Manahan, na transparent at accountable ang lahat ng operasyon sa port of entry na kanyang pinamumunuan.

Ito ay naaayon sa kagustuhan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Commissioner Rubio, na parehong taga-Ilocos Norte.

***

Sa Manila International Container Port (MICP) naman ay may 15 containers na naglalaman ng refined sugar ang nasakote ng mga taga-Bureau of Customs (BOC).

Ang operasyon ay isinagawa ng MICP in close coordination sa Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service at Formal Entry Division.

Ang shipment ay naka-consigned sa Smile Agri Ventures, Inc. at naglalaman umano ng “Silica Sand.”

Pero nang idaan sa physical inspection ang mga container naglalaman pala ng refined sugar ang mga ito.

Ayon sa report, ang mga taong sangkot sa kaso ay puwedeng maharap sa criminal charges dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sa ilalim ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang MICP “is dedicated in securing the nation’s borders against agricultural smuggling and protect the general consumers’ welfare.”

Mabuti ‘yan, tuloy-tuloy ang laban sa ismagling.

***

Handa na ang Kamara de Representante na tulungan ang mga micro- small and medium enterprises (MSMEs).

Ito ang inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isang talumpati sa pagbubukas ng National Food Fair na ginanap sa SM Megamall sa Mandaluyong City.

Kamakailan ay sinabi mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na malaki ang naitutulong ng MSMEs para magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan.

Ang nasbing food fair ay pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).

“Our mission in the House of Representatives is clear: to equip every Filipino entrepreneur with the necessary tools and conducive environment for success,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sa tingin natin ay lalago ang mga MSMEs sa administrasyon ni Pangulong Marcos.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE