Lacuna Si Mayor Honey Lacuna habang nagbibigay ng pahayag sa pagbubukas ng ika-12 sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila. Kuha ni Jon-jon reyes

Mayor Honey, VM Yul Servo, nanguna sa pagbubukas ng sesyon

July 4, 2022 Edd Reyes 271 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang inagurasyon ng ika-12 sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila Lunes ng umaga.

Sa kanyang talumpati, kaagad binanggit ni Mayor Honey ang ginawa niyang pagbisita sa bawat tanggapan ng Manila City Hall sa unang araw pa lamang ng kanyang paglilingkod upang makita ng personal ang kalagayan ng gusali na aniya ay nagsisilbing “pangalawang” tahanan ng mga kawani.

Sinabi niya na nilagdaan na rin niya ang Executive Order (EO) No. 06 na nagtatalaga sa araw ng Biyernes bilang “Clean-Up Day” kasabay ng pag-aatas sa lahat ng mga kawani, sa pangunguna ng mga pinuno ng kagawaran, na palagiang tiyakin ang malinis at maayos na tanggapan, kabilang na ang mga pasilyo at lahat ng sulok ng gusali ng Manila City Hall.

“Reflection ito na sasalamin sa maayos at malinis na pamamahay. Dito ay makikita rin natin ang pakikiisa ng bawat indibiduwal na kabahagi ng ating pamahalaang lungsod,” sabi ng alkalde.

Nagpasalamat din siya sa agarang pagtugon ng mga opisyal at kawani ng iba’t-ibang departamento na kaagad naglaan ng kanilang oras noong araw ng Sabado at Linggo upang maglinis at magsaayos ng kapaligiran ng gusali, kabilang rito ang tanggapan ng City Engineering Office, City Electrician, City Planning, Building Administration at iba pang kagawaran.

Ayon sa alkalde, ipatutupad niya ang panuntunang bukas sa mata ng publiko ang lahat ng mga isusulong na programa at proyekto kaya’t niladaan niya ang EO No. 01 na naglalayong itaguyod ang polisiya ng katapatan, transparency at mabilis na aksyon ng pamahalaan.

“Ginagarantiyahan nito ang pagsasapubiko ng lahat ng mga gawaing bayan sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t-ibang platform sa public information,” dugtong pa ni Mayor Honey.

Isa-isa rin niyang pinasalamatan ang mahahalagang papel na nagampanan ng maayos ng bawat departamento, kabilang na rito ang Manila Health Department, Office of Senior Citizen Affairs (OSCA), Department of Social Welfare, Public Employment Service Office, Department of Engineering and Public Works at maging ng Manila Police District (MPD) na dahilan upang mabigyan ng agarang solusyon ang mga kinaharap na suliranin at krisis na dulot ng pandemiya, pagkakaloob ng trabaho, benepisyo sa mga lolo at lola pati na ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan.

Ayon pa sa alkalde, nagsisimula na ang kanilang termino ng panunungkulan kaya’t umaasa na ngayon pa lang sa kanila ang mamamayan sa patuloy na tapat na paglilinkod at walang oras na dapat na sinasayang, kasabay ng masinop na paggamit ng pondo ng bayan.

Sa kanyang ginawang pag-uusisa sa pondo ng lokal na pamahalaan, sinabi ni Mayor Honey na batay sa datos na ibinigay sa kanya ng City Treasurer’s Office, nakakolekta na ang naturang tanggapan hanggang huling araw ng Hunyo ng kabuuang halagang P9,421,499.637.29 o 42.44% ng tinatayang P22.2 bilyon na executive budget sa taong 2022.

Sinabi ng alkalde na kumpiyansa siya na makukumpleto o baka mas mataas pang porsiyento ang maabot na koleksiyon ng naturang tanggapan dahil sa kanilang ibayong pagsisikap bago matapos ang kasalukuyang taon.

Gayunman, nanawagan din siya sa lahat ng mga revenue generating offices ng lokal na pamahalaan na magsipag at sumabay sa pagsisikap nilang mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na maisagawa ang lahat ng mga gawaing bayan na may sapat na pananalapi at hindi na kailangang magtaas ng buwis.

Kailangan aniya ng tulong ng lahat, lalo na ang Sangguniang Panlungsod, upang maipagpatuloy ang mga programa, proyekto, serbisyo at benepisyo para sa bawat Manileño at sama-sama sila bilang isang lungsod at isang pamilya na maisagawa ang lahat ng mga gawaing bayan ng maayos, masinop at episyente para sa isang malinis, maayos, mapayapa at maunlad na Maynila.

AUTHOR PROFILE