Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Servo ininspeksiyon Manila Zoo

November 18, 2022 Edd Reyes 231 views

Bago ang muling pagbubukas nito

NAGSAGAWA ng pag-iinspeksiyon sina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto sa loob ng Manila Zoo Huwebes ng hapon upang matiyak ang kahandaan sa pagbubukas nito sa Lunes, Nobyembre 21, 2022.

Sinalubong ang alkalde at bise alkalde ng mga opisyal at tauhan ng Manila Zoo Public Recreation Bureau, sa pangunguna ni Officer-in-Charge (OIC) Director Pio Morabe, upang gabayan sa pag-iikot sa loob ng 5.5 ektaryang Manila Zoological and Botanical Garden na kilala bilang Manila Zoo at ipabatid ang mga ginawa nilang paghahanda.

Kuntento naman si Mayor Lacuna-Pangan sa mga ipinakitang kahandaan ng mga tagapamahala ng Manila Zoo, pati na ang makabagong pamamaraang dapat gawin ng mga nais bumisita tulad ng maagang pagre-rehistro at pagbabayad sa online upang maiwasan ang pagsisiksikan sa pagbabayad pagpasok pa lamang sa loob.

Ayon sa alkalde, dahil inaasahan na nila ang pagdagsa ng maraming bibisita sa Manila Zoo sa panahon ng Kapaskuhan, itinaas nila ang limitasyon ng kapasidad ng tatanggaping bisita sa loob ng Zoo ng hanggang 2,500-katao.

“Ang itatakda sana namin na kapasidad ng mga taong papayagang pumasok sa loob ay hanggang 2,000 lamang pero dahil inaasahang mayroong mga walk-in visitors, itinaas na namin sa 2,500 ang maximum capacity,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Sinabi pa ng alkalde na kumpiyansa siya na dahil itinaas na ang bayarin sa pagpasok sa Manila Zoo, makakaya ng sustentuhan ang gastusin sa pagmimintina at pag-aalaga sa mga hayop, dahil bukod sa entrance fee ay mayroon pa silang mga concessionaires o mga may-ari ng stall sa loob na magbabayad ng kaukulang upa.

Nilinaw naman ni Director Morabe na ipinagbabawal sa mga bibisita ang magdala ng pagkain at inumin dahil naging ugali na ng iba na ipakain sa mga hayop ang hindi nila nauubos na pagkain na nagiging dahilan ng pagkakasakit ng mga hayop.

Sinabi naman ni Vice Mayor Yul Servo na nagpasa na sila ng ordinansa sa Sangguniang Panlungsod kaugnay sa pagkakaloob ng isang araw ng libreng pagpasok ng mga senior citizen sa Maynila na tatapat sa araw ng Miyerkules.

Bago ang ginawang pagbisita nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo sa Manila Zoo, pinangunahan muna nila ang pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan sa ilalim ng Educational Assistance Program ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na ginanap sa San Andres Sports Complex dakong alas-3:30 ng hapon.

Ayon sa alkalde, umabot sa 983 na mga mag-aaral mula sa District 1, 3, 4, 5, at 6 ang napagkalooban ng tig-P5,000 educational assistance mula sa kabuuang inilaan nilang pondo na P4,915,000.

“Pakiusap ko lang po sa mga mag-aaral, mag-aral kayong mabuti dahil sa mga susunod na taon, kayo ang inaasahan ng inyong pamilya at mga magulang na makakatulong sa kanila. Doon naman po sa mga magulang, ang matatanggap po ng inyong mga anak ay para sa kanilang pag-aaral kaya pakiusap din po na huwag gamitin itong salapi bilang pambayad ng ilaw, tubig o upa,” sabi pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE