Default Thumbnail

Babaeng PUPC, namatay sa pagamutan

November 18, 2022 Edd Reyes 260 views

HINDI na nabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ng isang babaeng “persons under police custody” (PUPC) sa hukuman ang kasong may kaugnayan sa ilegal na droga na kanyang kinakaharap matapos bawian ng buhay, Biyernes ng madaling araw sa Navotas City.

Unang isinugod sa Navotas City Hospital noong Martes, dakong alas-6:30 ng gabi, Nobyembre 15, ang 33-anyos na PUPC matapos dumaing ng kahirapan sa paghinga subalit kinabukasan, inirekomenda na ng kanyang attending physician na ilipat siya sa Tondo Medical Center.

Gayunman, dakong alas-5:40 ng madaling araw ng Biyernes nang ideklara ng attending physician sa naturang pagamutan na nalagutan na ng hininga ang PUPC.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging, dumaranas ng sakit na hyperthyroidism o thyroid at Polycystic ovary syndrome (PCOS) na isang uri ng hormonal disorder ang babaeng PUPC.

Gayunman, isasailalim pa rin sa autopsiya ang bangkay ng PUPC upang alamin ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.

AUTHOR PROFILE