Mayor Honey todo suporta na gawing heritage zone ang Quiapo
NAGPAHAYAG ng buong suporta si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa pagdedeklara bilang national heritage sites ang simbahan ng Quiapo, simbahan ng San Sebastian, Plaza Miranda at Plaza del Carmen upang mapangalagaan ang kultura, mapanatili ang mga istraktura at rehabilitasyon na rin ng komunidad.
Ang pahayag ay isinapubliko ni Mayor Honey bunga na rin ng inihaing House Bill 3750 o ang “Quiapo Heritage Zone Act” ni Congressman Joel Chua, ang “Batang Quiapo” ng 3rd District ng lungsod na nagdedeklara sa Minor Basilica of the Black Nazarene na kilala bilang Quiapo Church, San Sebastian Church, Plaza Miranda at Plaza del Carment bilang mga national heritage sites.
Ang dalawa pang mga heritage zones sa Lungsod ng Maynila ay ang Intramuros na idineklara ng UNESCO bilang world heritage site at ang Sta Ana na naideklara ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong taong 2014.
Sa oras na maipasa ang panukala ni Chua na inihain noong Agosto 17 sa Kongreso, mapapangalagaan ng husto ang mga istraktura sa naturang mga lugar at lilikha pa ito ng trabaho.
“Manila needs a heritage zone not just to create jobs, but to help uplift the reputation of the city in the Philippines and in the world,” pahayag ni Chua.
Sa panig naman ni Mayor Honey, umaasa siya na maipapasa ang panukalang batas lalu na’t walang gagastusin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pagsasa-ayos at pagkukumpuni ng mga lansangan at iba pang istraktura sa mga naturang lugar.
Sa ilalim ng panukala ni Chua, may ipagkakaloob na mandato sa Department of Tourism (DOT), kasama ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zont Authority (TIEZA), at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa kinakailangang konstruksiyon o pagpapabuti sa mga daanan at istrakturang sakop ng mga idineklarang heritage zone.
Nakasaad pa sa panukala na ang pondo para rito ay ibibilang sa taunang gastusin ng pamahalaan sa ilalim ng General Appropriation Act (GAA) o puwede ring gastusan mula sa malilikom na pondo ng DOT.
Sinabi ng alkalde na sa kasalukuyan, tumutulong na ang Department of Tourism, Culture and Arts ng Maynila na pinamumunuan ni Director Charlie Dungo para sa pagdidisenyo ng mga lugar na sakop ng heritage zone.