Default Thumbnail

Mayor Honey, nagpadala ng rescue team sa Abra

July 28, 2022 Edd Reyes 313 views

NAGPADALA na ng team si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa Abra bilang bahagi ng programang “Oplan North Help” na layuning makatulong sa isinasagawang pagliligtas sa mga posibleng na-trap sa mga gumuhong istraktura at paglilinis sa mga lugar na sinalanta ng 7.0 magnitude na lindol araw ng Miyerkules.

Inatasan ng alkalde si Arnel Angeles, Director ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na pumili ng mga bihasa at sanay sa mga ganitong uri na sakuna para mabilis na makatulong sa mga biktima ng malakas na lindol.

Sa huling impormasyon, sinabi ni Angeles na dumating na sa Abra ang ipinadala nilang 15-kataong team dakong alas-6:20 ng umaga ng Huwebes at naghintay lamang ng direktiba kung saan sila ide-deploy.

Bukod sa mga kagamitan sa pag-rescue at paglilinis, dala rin ng team ang isang rescue truck, isang fire tanker, ambulansiya, mobile transporter, portable water supply, purifier at emergency medical kits.

Nauna ng ipinahayag ni Mayor Honey nitong Miyerkules ang kahandaan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na magpadala ng team sa Abra upang makatulong sa mga biktima ng malakas na lindol.

AUTHOR PROFILE