Manilenos na magbabayad ng amilyar may 10% discount
HINIMOK ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna- Pangan ang mga may-ari ng lupa sa lungsod na magbayad na ng kanilang real property tax o “amilyar” upang mapakinabangan pa ang 10-porsiyentong diskuwento hanggang katapusan ng Enero ng 2023.
Ayon sa alkalde, simula sa Pebrero hanggang sa katapusan ng Marso ay wala na aniyang mapapakinabangang diskuwento ang mga real property taxpayers bagama’t wala pa namang ipapataw na karagdagang bayad o penalty.
“So please, avail nyo na po ang ating discount kasi pagkatapos po niyan, wala na pong diskuwento magsimula sa February 1 hanggang March, wala na pong diskuwento, pero wala pa pong penalty.
Pagdating ng Abril, me penalty na po yan,” pahayag ng alkalde.
Inatasan na rin ni Mayor Lacuna-Pangan si City Treasurer Jasmin Talegon na maglabas din ng abiso sa mga real property owners kaugnay sa pagtatapos ng diskuwento upang magsipagbayad na ang nagnanais makakuha nito.
Sa mga magbabayad ng buwis, nag-abiso si Mayor Lacuna-Pangan na mas mabuti kung gamitin ang online payment sa pamamagitan ng “Go Manila” app o ang website na www.cityofmanila.ph. dahil makukuha rin naman nila rito ang resibo sa pamamagitan ng e-receipt at maging ng kanilang e-statement of account.
“Sa oras na makapasok na kayo sa Go Manila app, pumunta lang kayo sa RPT payment at dito niyo ilagay ang inyong tax declaration number at property identification number kung saan lalabas ang inyong statement of account para makapamili na kayo kung quarterly o yearly ang gagawin ninyong pagbabayad,” paliwanag pa ng alkalde.
Dagdag pa niya, puwedeng gamitin ang mga paraan ng pagbabayad tulad ng money transfer, GCash o ang paghuhulog sa bangko at matapos ito’y puwede na silang ma-isyuhan ng resibo o ang e-receipt.