Default Thumbnail

May punto si Senator Jinggoy Estrada sa hugot sa K-Dramas

October 24, 2022 Marlon Purification 314 views

Marlon PurificationRAMDAM natin ang hugot ni Senador Jinggoy Estrada nang magkomento hinggil sa K-Drama, Korean telenovelas o kaya’y Koreanovela.

Aminin o hindi, unti-unti ay nilalamon ng K-Dramas ang mga pelikulang Pilipino at kapag nagpatuloy ito, hindi malayong marami sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa industriya ang maaaring mawalan ng trabaho.

Kung may tao mang dapat pakinggan tungkol sa kalagayan ng industriya, hindi maaaring balewalain ang sinasabi ni Estrada. Siya at ang amang si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada ay mga dating artista bago pumalaot sa mundo ng pulitika.

Kung sumagi man sa isip ni Jinggoy na ipagbawal ang pelikulang Koryano sa bansa, normal lamang ito sa isang taong nagmamalasakit sa bayan.

Alam nating lahat na imposibleng mangyari ito. Para mong sinabi na ipagbawal na rin ang Facebook sa Pilipinas na siguradong aani ng katakut-takot na batikos mula sa ating mga kababayan.

Talaga namang kahanga-hanga ang pagpapaimbilog ng mga gawang Korea, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo.

Sa larangan ng teknolohiya ay hindi na sila nagpapahuli kumpara sa mga gawang Japan, Amerika at kahit Europa.

Kahit sa mundo ng ‘fashion’ ay marami na ring naaakit na tangkilin ang style ng kanilang pananamit na kung tawagin pa nga ay K-Pop style.

Ang kanilang musika ay patok na patok din sa mga milenyal.Sa sobrang pagkahaling ng ating kabataan ay ginagaya ng mga Pinoy maging ang pananamit, iba pang gamit, buhok at pati ang pagkain ng mga Koreano.

Sa ganang akin, malaking hamon ito para sa atin.

Isang hamon na dapat magising ang ating mga eksperto – hindi lamang sa hanay ng paggawa sa pelikulang Pilipino, kundi pati rin ang mga nasa mundo ng teknolohiya, musika at maging pagpapaganda.

Ang nakahahanga sa mga Koryano, anumang aspeto ay palagi nilang isinasama ang pagmamahal sa kanilang bansa at kultura.

Sino ba sa atin ang hindi tumangkilik sa ‘Jewel in the Palace’ na sinubabayan ng marami sa GMA7?

Ang naturang palabas ay tungkol sa mga lutuing Koryano sa kanilang palasyo noong mga unang panahon.

Marami silang mga palabas na tunay namang magaganda at kakaiba ang pag-atake ng kuwento na kung ihahambing, ang mga pelikulang Pilipino ngayon ay umiikot lamang sa sa tungkol sa ‘ampon,’ away pamilya, ang pagkakaroon ng kabit ni mister o ni misis, rape, karahasan at kung anu-ano pang kapangitan ng Pilipino!

Sa umpisa’y kahanga-hanga dati ang telenobela ng Ang Probinsiyano, ngunit dahil mahigit isang dekada na itong naipalalabas sa telebisyon, nakakaumay nang panoorin ito na pinatatagal dahil sa aspeto ng ‘negosyo,’ ‘ads’ at nawawala na ang tunay na kalidad ng istorya.

Bago pa ang K-Drama ay nakapagpalabas na rin dito sa atin ng mga Mexican novelas na tulad ng Marimar at Taiwan novelas ‘Meteor Garden.’

Sigurado rin naman tayong may mga pelikulang Pilipino na ang ipinalalabas sa abroad.

Pero kung pag-uusapan ang quality ng story, sorry po, talagang bulok, dekahon at walang kuwenta ang karamihan sa mga naglalabasang palabas ngayon.

Naniniwala tayong hindi kailangan ng malaking budget para makagawa ng maganda o makabuluhang pelikula. May mga Indie films na tunay namang magaganda at makabuluhan at nagbibigay-aral.

Patunay iyan sa paghakot minsan natin ng awards.

Pero iilan lang po iyan.

Ang nangyayari kasi, ang nasa utak ng mga ‘movie producers’ ngayon ay kumita muna, bago ang makabuluhang kuwento o istorya.

May panahon pa naman para mapaunlad ang industriya. Isang industriya na dapat lang sumabay sa pag-ahon ng panahon, ngunit magbibigay ng tunay na aral para sa salinlahi ng henerasyon.