Default Thumbnail

May pananagutan ba si Angel Locsin?

April 26, 2021 Allan L. Encarnacion 506 views

MAGANDA ring malaman kung may pananagutan ba ang actress na si Angel Locsin sa chaotic community bday pantry na kanyang isinagawa sa Barangay Holy Spirit, Quezon City nitong nakaraang linggo.

Una, totoong kawang-gawa sa kapwa ang kanilang ginawa na dapat papurihan. Pero huwag nating kalilimutan na tayo ay nasa extraordinary time o isang panahong wala tayong kalayaang kumilos ayon sa ating kagustuhan.

Ibig sabihin, hindi ito iyong mga panahong hindi puwedeng magkumpulan ang mga tao na parang Angel Locsin fans day. May kinatatakutan tayong virus, may mga ipinatutupad na health protocols ang pamahalaan.

Tanong, may pananagutan ba si Angel sa pagkamatay ng isang matandang nakapila sa kanyang community pantry? Sa istriktong legal na usapan, mayroon dahil nag-imbita siya ng mga tao sa lugar na mamahagi siya ng pagkain.

Kung ang isang sasakyan na nawalan ng preno ay nakasagasa at nakapatay, kakasuhan ang driver ng reckless imprudence resulting to homicide. Hindi rin niya alam na mawawalan ng preno ang gamit niyang sasakyan pero dahil siya ang nagmamaneho nang mangyari ang aksidente, may pananagutan siya.

Ganoon din sa isyu ng pagkamatay ng matanda sa pila, hindi rin alam ni Angel na mangyayari iyon at wala siya alam na mangyayari iyon. Pero siya ang nag-imbita, siya ang dapat may pananagutan sa mga dumating.

Bagama’t sinabi na ng pamilya ng namatay na hindi nila sinisisi at hindi rin nila pinagkakasalanan si Angel, tinatalakay lang natin ito para maging bukas na kaalaman sa lahat ang pananagutan sa isang event o okasyon na gusto mong idaos.

Ang problema ni Angel ay inilatag mismo ni Bgy. Holy Spirit Chairman Chito Valmocina na dapat magmulat sa lahat. Una, may sulat nga si Angel sa barangay na humihingi ng dalawang barangay tanod na mag-aasiste sa kanilang event. Pero sabi ni Kapitan, kung dalawang tanod lang, ibig sabihin, maliit na event lamang ang mangyayari.

Ang problema, ayon sa kapitan, mahigit tatlong libo ang dumating na tao pero ayon sa grupo ni Angel, para sa 300 lang ang kanilang ipamimigay na pagkain. Kung 300 lang pala ang kapasidad, bakit hindi inilagay sa imbitasyon ni Angel sa kanyang mga social media platforms na limitado lang at first come first served? Ang nangyari ay open invitation kaya hindi nakapagtatakang dumagsa ang mga taong nangangailangan ng tulong.

Sa tingin, hindi naman masasabing may act of deception sa event ni Angel pero sigurado tayo na may act of negligence o kapabayaan sa kanilang parte dahil alam nila ang katotohanang limitado ang ipamimigay pero hinayaan nilang bumaha na parang dagat ang tao na wala nang inoobserbang social distancing at mga health protocols na ipinatutupad ng IATF.

Sa isang banda, violation ng health protocols ang magkaroon ng mass gathering na ganoon kalaki na walang crowd control. Kung mayroon mang naging tagumpay ang community birthday pantry ni Angel, iyon ang potensiyal na hawaan o pagkalat ng virus. Super spreader event!

Nagsara nga ang mga malls, simbahan, restaurant at mga events place dahil sa MECQ, tapos ang isang Angel Locsin ay puwedeng mag-ipon ng ganoon karaming tao? Anong espesyal sa kanya para palusutin sa paglabag sa health protocols?

Naniniwala tayong kailangang may managot sa pangyayaring ito dahil lantarang paglabag sa maraming patakaran na ating sinusunod ngayong panahon ng pandemya.

Hindi tayo dapat madala sa paliwanag ni Angel na wala siyang kasalanan at hindi niya gusto ang nangyari. Hello, artista ka, may mga taga-hanga. Nag-imbita ka ng mga tao sa ganyang klaseng okasyon na bawal, tapos sasabihin mong hindi mo gusto ang nangyari.

Cut na direk, tama na ang pag-arte! [email protected]