Default Thumbnail

May-ari, driver ng PUJ na nakasagasa sa P’que binigyan ng ultimatum

December 22, 2022 Jun I. Legaspi 273 views

IPINATATAWAG na ng Land Transportation Office (LTO) upang pagpaliwanagin ang may-ari gayundin ang drayber ng pampasaherong jeep (public utility jeepney) na nakasagasa sa isang tumatawid na babae sa Parañaque City.

Sa ipinalabas na show cause order ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID), ipinahaharap sa tanggapan nito sa darating na Disyembre 28, Miyerkules, alas-10 ng umaga, ang may-ari at ang drayber ng jeep noong araw na nangyari ang insidente.

Pinagsusumite ang may-ari ng jeep ng nasusulat na paliwanag kung bakit ito hindi dapat masampahan ng kasong administratibo na “employing reckless driver” alinsunod sa nasasaad sa DOTC Joint Administrative Order No. 2014-01.

Pinagpapaliwanag din ang drayber ng jeep kung bakit hindi dapat madiin sa mga kasong “Failure to Yield Right of Way for Pedestrian Crossing” (alinsunod sa DOTC JAO No. 2014-01) at reckless driving (alinsunod sa Section 48 ng Republic Act 4136), at kung bakit hindi dapat masuspindi o mabawi ang kanyang driver’s license dahil sa pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” (na nasasaad din sa RA 4136).

Bunsod ng insidente na ikinasugat ng pedestrian, naka-alarma na ngayon ang plaka ng pampasaherong jeep gayundin ang lisensya sa pagmamaneho ng jeepney driver upang mapigilan ang ano mang nauugnay na transaksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sakaling mabigong humarap ang may-ari at drayber ng jeep sa pagpapatawag ng IID, mangangahulugan ito ng kanilang pagsuko sa karapatan na mailahad ang panig at dedesisyunan ang reklamo batay sa mga hawak na ebidensya ng LTO.

Sa CCTV (closed-circuit television) video ng insidente, makikitang patawid sa pedestrian lane ang isang babae nang biglang sumulpot ang jeep at nasalpok ang biktima.

“Walang lugar sa ating mga kalsada ang ganitong uri ng mga drayber, pribado man o pampasaherong sasakyan. Ang insidenteng ito ay patunay lamang na marami pa rin sa mga drayber sa lansangan ang walang pagpapahalaga sa mga isinasaad ng batas at sa buhay ng tao. Marapat lang silang turuan ng leksiyon gamit din ang ating batas upang huwag pamarisan,” pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.

AUTHOR PROFILE