Default Thumbnail

Manila Zoo, bubuksan na sa publiko sa Disyembre – Mayor Honey

September 16, 2022 Edd Reyes 210 views

TINIYAK ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna sa publiko na ang bantog na Manila Zoo na ngayon ay may taglay na pangalang “Manila Zoological and Botanical Garden” ay mabubuksan na sa buwan ng Disyembre ngayong taon.

Sinabi na alkalde na kanyang ia-anunsiyo sa mga darating na panahon ang takdang petsa ng pagbubukas ng isa sa pinakapaboritong atraksiyon sa Lungsod ng Maynila at ginarantiyahan niya ang mga nagnanais na magtungo rito na kanilang masisilayan ang bago at pinaganda pang Manila Zoo sa araw ng Pasko.

Ang Manila Zoo, na itinuturing na mahalagang palatandaan ng Lungsod ng Maynila, ay unang binuksan sa publiko noong Hulyo 25 ng taong 1959 bagama’t noong Enero 23, 2019, iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapasara nito ng walang katiyakan kung kailan puwedeng mabuksan makaraang matuksalan na isa ito sa mga pangunahing nagtatapon ng maruming tubig sa Manila Bay.

Nang maupo sina dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at kanyang bise alkalde noon na si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan matapos ang kanilang “landslide victory” sa 2019 mid-term election, naglaan sila ng P1.7 bilyong pisong pondo upang gamitin sa pagpapaayos at pagpapaganda ng may 6-ektaryang luwang ng bantog na pasilidad.

Makaraan ang ilang buwan na puspusang pagkukumpuni, muling nabuksan sa publiko ang Manila Zoo noong Disyembre 20, 2021, sa kabila ng banta ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

Gayunman, bago bumaba sa kanyang tanggapan si dating Mayor Isko Moreno, iniutos niya ang pansamantala munang pagsasarang muli ng Manila Zoo simula noong Hunyo 1, 2022 upang makumpleto na ang pagsasaayos at pagpapaganda nito.

Ayon kay Mayor Honey Lacuna, sa kasalukuyan ay todo-todo na ang pagkukumpuni sa iba pang lugar sa loob ng Manila Zoo upang matiyak na masisiyahan ang publiko sa kanilang pamamasyal sa loob ng isa sa pinakamagandang zoo sa bansa.

AUTHOR PROFILE