Vic Reyes

Mahihirapang makalusot

March 24, 2024 Vic Reyes 171 views

PATULOY ang pagdating ng mga kontrabando sa bansa pero ang maganda nito ay lagi namang nahuhuli ang mga ito ng Bureau of Customs (BOC).

Alam na ng mga taga-BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Bien Y. Rubio, ang modus operandi ng mga kawatan na ito.

Gasgas na ang mga bulok nilang style. Mahihirapang makalusot ang mga kontrabando, lalo na ang mga ipinagbabawal na gamot.

Maraming beses ng pinatunayan ito ng mga “eagle-eyed” na opisyal at tauhan ng BOC sa ibat-ibang collection districts.

Kamakailan nga ay isang shipment na galing ng Thailand ang nadiskubreng naglalaman pala ito ng high grade marijuana.

Ang shipment ay naglalaman ng misdeclared at undeclared balikbayan boxes.

Dahil sa impormasyon galing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), hiniling ng CIIS Field Station na i-alert ng MICP ang nasabing shipment,

Dahil dito ay idinaan sa 100 percent physical examination ang shipment.

Dito na nadiskubre ng mga otoridad na ang mga balikbayan boxes galing Thailand ay naglalaman pala ng high grade marijuana.

Ang pagbubukas ng balikbayan boxes ay pinangunahan ng mga taga-CIIS, ESS, Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine Coast Guard, Environmental Protection and Compliance Division, at PDEA.

Ang patuloy na operasyon laban sa illegal drugs ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na bantayang mabuti ang borders ng bansa.

Pag-upo nga noon ni Commissioner Rubio ay iniutos kaagad ang paghabol sa mga ismagler ng iligal na droga at produktong agrikultura.

At tuwang-tuwa sina Pangulong Marcos at Commissioner Rubio na lahat ng concerned agencies ay nagtutulungan para matuldukan ang ismagling.

Kaya ang taumbayan ay dapat ding sumama sa anti-smuggling campaign.

Dapat lang!

***

Mukhang dumarami ang mga nagkakasakit ng pertussis at measles (tigdas).

Ito ay nakakalungkot dahil vaccine-preventable ang mga nakakahawang sakit na ito.

Sa tingin ng marami ay kasalanan ng mga magulang kung bakit dumarami ang mga batang nagkakasakit ng ubo at tigdas.

Dapat pabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak laban sa mga sakit na ito.

Meron namang mga libreng bakuna sa mga health centers sa buong bansa.

Tinatamad lang ba ang mga magulang kaya maraming paslit na hindi nababakuhan laban sa preventable diseases?

Huwag naman sana dahil kawawa ang mga bata.

***

Nagsimula na ang Semana Santa (Holy Week) kahapon (Palm Sunday).

Kasabay ng selebrasyon ng Mahal Na Araw ay ang kaliwa’t-kanang pagdaraos ng barangay at town fiesta sa bansa.

Dahil sa mga selebrasyon na ito ay baka kumalat pa ang pertussis at tigdas.

Sana naman huwag hayaan ng mga magulang na pakalat-kalat ang mga batang may sakit.

Bantayan din ng mga otoridad ang mga lugar na paboritong puntahan ng mga tao sa panahon ng tag-init o summer.

Kung maari lang ay magsuot uli ng face mask ang mga tao kapag sila ay lumalabas ng bahay para malayo sa hawa.

(Para sa inuong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-86244484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE