Default Thumbnail

Mag-utol tiklo sa pambubugbog sa trike driver, kapitbahay

March 24, 2023 Edd Reyes 207 views

ARESTADO ang magkapatid matapos nilang pagtulungang bugbugin ang 35-anyos na tricycle driver, pati na ang kapitbahay nito na nagtangka lamang umawat, Biyernes ng madaling araw sa Malabon City.

Hindi pa batid ng pulisya ang motibo sa ginawang pambubugbog ng magkapatid, kapwa residente ng Barangay Santulan sa tricycle driver, 35, at sa 23-anyos na kapitbahay nito.

Sa ulat na isinumite nina P/SSgt. Diego Ngippol at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued ng Station Investigation Unit kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nagwawalis sa harapan ng kanilang bahay ang tricycle driver dakong ala-1:30 ng madaling araw nang bigla siyang bundulin ng bisikletang sinasakyan ng isa sa mga suspek.

Kasunod nito’y halinhinan ng pinagsusuntok sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at mukha ng magkapatid ang biktima na nakatawag pansin naman sa kapitbahay ng biktima at isang 20-anyos na babae na kasama sa bahay ng magkapatid na suspek.

Tinangkang umawat ng kapitbahay ng trike driver subalit siya naman ang pinagbalingan ng magkapatid at pinagbubugbog.

Isinugod ang tricycle driver ng mga kaanak nito sa Makatao Hospital bago inilipat ng Tondo Medical Center habang sa Valenzuela Medical Center naman dinala ang kapitbahay nito upang malapatan ng lunas.

Sa ginawang follow-up operation nina P/Cpl. Kirshner Buendia at P/Cpl. Zhyran Batay-an ng Malabon Police Sub-Station 3, nadakip ang magkapatid makaraang humingi ng tulong sa pulisya ang mga kaanak ng biktima.

AUTHOR PROFILE