Mag-ama tiklo sa bala’t pampasabog

February 2, 2022 Melnie Ragasa-limena 235 views

ARESTADO ang mag-ama nang makumpiskahan ng kahon-kahong bala ng baril at pampasabog na idineliber sa kanilang tahanan sa Quezon City, Martes ng gabi.

Ang mga suspek ay nakilalang sina Julius Banson Lincuna, 50, may asawa jobless, at Bejay Abet Lincuna, 23, may asawa, construction worker, kapwa residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Batasan Police Station (PS 6) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 9:50 ng gabi, Pebrero 1, ng arestuhin ang mga suspek sa Presidential Road, Sitio 4 Kaliwa, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod.

Ayon kay PMSg. Jonathan Lugo ng PS 6, nakatanggap umano sila ng intelligence report mula sa Regional Intelligence Department ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na may idedeliber na mga bala at mga pampasabog na nakasilid sa limang bayong at carton chicken carrier sa tahanan ng mga suspek.

Matapos na matanggap ang report, agad na nagkasa ng operasyon at pumosisyon na ang pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng RID, NCRPO, DID, QCPD at AFP-ISAF sa nasabing lugar.

Habang nakaposisyon na sa lugar ang mga operatiba ay naispatan nila ang suspek na si Bejay at ama niyang si Julius na kapwa walang suot na facemask at bitbit ang limang bayong at carton chicken carrier.

Agad na sinita ng mga pulis ang mag-amang Lincuna at siniyasat ang mga dalang bayong at karton ng chicken carrier ang mga ito.

Nakita sa inspeksiyon ang buhay na manok panabong sa bawat bayong na may mga kasamang kahon na magkakasama sa carton chicken carrier at nang kanilang buksan ay bumungad sa kanila ang maraming mga bala at pampasabog kaya agad na inaresto ang mag-ama.

Nasamsam sa mga suspek ang limang bayong, isang carton chicken carrier, 1,500 rounds ng 7.62 Ammunitions na nakasilid sa 75 kahon, apat na pentex booster explosives at limang buhay na manok panabong.

Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa RA 9516 as Amended of PD1866 at RA 10591 Comprehensive Law of Firearms and Ammunitions at Omnibus Election Code.