Mabilis ang aksiyon ng PNP sa Bree Jonson case

September 23, 2021 Marlon Purification 344 views

Marlon PurificationBILIB talaga tayo kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Matapos makarating sa kanyang kaalaman ang pagkamatay ng artist na si Bree Jonson ay agad itong nag-utos ng malalimang imbestigasyon.

Mabilis nitong inatasan si Brig. Gen. Emmanuel Peralta, director ng Police Regional Office (PRO) 1, na maging mabusisi, maingat, malalim at parehas ang gawing imbestigasyon sa naturang krimen, lalo’t ang ‘person of interest’ na tinitingnan dito ay si Julian Ongpin, anak ng bilyonaryong si Roberto Ongpin.

Si Jonson ay natagpuang patay sa kanyang silid sa Floatsam Jetsom Resort sa San Juan, La Union noong nakalipas na Sabado, Setyembre 18. Ang kasintahan nitong si Ongpin ang nagbigay-alam sa pagkamatay ng biktima na di-umano’y nagpakamatay, base na rin sa unang pahayag ng suspect.

Nakarekober ang pulisya sa silid ng magkasintahan ng mga ipinagbabawal na gamot, samantalang kapwa positibo sa drug test ang suspect at biktima. Higit na nagduda ang madla na posibleng magkaroon ng whitewash sa Jonson case dahil pinalaya si Ongpin sa kabila ng 12.6 gramo ng illegal drugs na nakuha sa kanilang silid.

Nilinaw ni Peralta na hindi nila kagustuhan na palayain agad si Ongpin, kundi sumusunod lamang sila s autos ng Provincial Prosecutors Office.

Sa autopsy report na lumabas noong Miyerkules, lumilitaw na ang biktima ay namatay dahil sa asphyxia o nasawi dahil sa kakapusan ng hangin.

Bagaman hindi inaalis ng mga awtoridad na posibleng walang foul play sa krimen ay tumutugma naman ang pahayag ng suspect na ang biktima ay nagpakamatay, gamit ang kanyang bra.

Ang mga sugat na tinamo ni Ongpin ay mula sa pako nang puwersahan nitong pasukin si Jonson na nagkulong sa banyo ng kanilang silid.

“This is but another proof that your PNP applies the law without fear nor favor. Mayaman man o mahirap, patas ang pagpapatupad natin ng batas dahil hindi lang dangal ng PNP ang nakataya dito kung hindi ang pagtitiwala ng sambayanang Pilipino on the basic but important concept of rule of law,” ani Eleazar.

“Nakikiramay tayo sa pamilyang naulila ni Jonson. Bilang magulang, alam kong mabigat ang inyong pinagdaraanan ngayon kaya sa pamamagitan ng patuloy naming imbestigasyon ay mabibigyan ng linaw kung ano nga ba talaga ang nangyari,” sabi pa ni Eleazar.

Kaagad namang pinuri si Gen. Peralta, gayundin ang bumubuo ng PRO1 at La Union Police Provincial Office dahil sa maagap nilang pagresponde sa krimen.

“Hindi pa ito close case pero sinisiguro po namin sa inyo na walang magaganap na white wash sa ating imbestigasyon,” dagdag pa ni Eleazar.

Sa puntong ito, lalo tayong humanga kay Eleazar.

Alam ni Eleazar na malaking tao ang sangkot, ngunit hindi siya nag-atubiling ipaalam sa kanyang mga tauhan na walang mahirap at mayaman sa kanilang trabaho kundi sundin lamang ang tamang proseso ng imbestigasyon.

ELEAZAR FOR SENATOR?

Samantala, hindi pala vice-president ang tatakbuhin ni Guillor.

Mas gusto raw ng mga nakapaligid sa heneral na tumakbo na lamang ito bilang senador.

RAFFY TULFO FOR VP OR SENATOR?

Tulad ni Guillor, isa rin sa umuugong na posibleng maging running-mate ni Senador Manny Pacquiao ay ang broadcaster at Youtube sensation Raffy Tulfo.

Mukha kasing nagpapaalam na sa kanyang TV5 family si Idol Raffy.

Ang tanong na lang ngayon, siya na kaya ang VP ni Pacman o senador din ang tatakbuhin nito, kasama si Eleazar?

PACMAN O PING LACSON?

Sabi sa atin ng source, napipisil ni Guillor na sumama sa kampo ni Senador Panfilo Lacson sakaling magpasya itong tumakbo sa pagkasenador. Ganito rin halos ang dumarating na impormasyon sa atin sa plano namang pagpasok sa pulitika ni Tulfo.

Ngunit masinsinan din ang pakikipag-ugnayan ng kampo ni Pacquiao kay sa ating Idol.

Ang lahat ng impormasyong ito ay malalaman pa kung totoo sa darating na Oktubre 1-8, ang mga araw na itinadka para sa filling ng certificate of candidacy ng lahat ng tatakbo ngayong halalan – national o local elections man.