Default Thumbnail

Maayos at mapayapang turn-over ng Pamahalaang Barangay

November 4, 2023 Magi Gunigundo 191 views

Magi GunigundoBINABATI natin ang lahat ng mga nanalo sa nakalipas na Baranggay at Sanggunian Kabataan Election (BSKE) noon Oktubre 30,2023.

Sa loob ng dalawang taon ng inyong termino na magtatapos sa Disyembre 2025, magsumikap kayo na tuparin ang mga binitiwang pangako sa inyong mga kabaranggay, maging masinop sa paggamit ng pondo ng bayan, at pagkatandaan na ang posisyon sa pamahalaang barangay ay isang pananagutan sa taong bayan na nagkaloob sa inyo ng mandato na panatiliing nangingibabaw ang interes at kapakanan ng mamamayan higit sa sarili at sa mga interes ng inyong mgapatrong politiko.

​Pinababatid sa DILG ng isang liham ng Law Department ng COMELEC, na maaari ng umupo agad ang naiproklamang nanalo sa BSKE sa oras na nanumpa na sa katungkulan ang mga ito at hindi na kailangan pang hintayin ang Disyembre 1, 2023.

Bagamat may ligal na batayan(Macalintal v Comelec at Hidalgo v Executive Secretary), mapanganib at pagmumulan ng away at gulo ang implementasyon nito sapagkat: 1. madalian ang gagawin turn-over ng puwesto ng natalo sa BSKE;2. ang liham ng Law Department ay hindi naman katumbas ng isangCOMELEC resolution; 3. mayroon 10 araw ang natalo mula saproklamasyon ng nanalo para maghain ng protesta. Maliban pa sa COMELEC, dapat sisihin na sanhi ng sigalot ang mga kongresista at senador na nagpasa ng RA 11935 na labag sakonstitusyon.

​Kung istriktong susundin ang liham ng law department ng COMELEC, napakasakit nito para sa kapitan at mga kagawad na natalo. Lunes, sila pa ang nakaupo, Martes tanggal na sila. Hindi malayong magkamental health problem ang mga iyan. Hindi na sila binigyan ng pagkakataon na magligpit ng gamit at isaradong maayos ang mga libro ng pananalapi ng barangay at iba pang pananagutan. Ang mga batas sa halalan ay nagbibigay ng sapat na panahon para sa maayos na turn-over ng kapangyarihan ng paalis na pinuno sa kanyang kasunod na hahawak ng kapangyarihan kahit na ito pa ang pinakamasahol niyang katunggali sa halalan. ​

Para sa kapakanan ng taong bayan, pangkaraniwan na nagbubuo ng pangkat ng transisyon ang magkabilang panig ng nanalo at natalo para maging maayos at tahimik ang paglilipat ng pananagutan sa pananalapi at gamit ng bababa sa puwesto sabagong pamunuan. Ang mga passbook sa bangko, vouchers, resibo at kash ay kailangan isalin sa bagong ingat yaman at kapitan ng barangay na obligado na magbigay ng surety bond ng katapatan sa Treasurer’s Office ng bayan o lungsod.

Ang mgagamit ng barangay tulad ng ambulansya at patrol vehicles, radio at mga gamit sa opisina ay kailangan ma-imbentaryo muna ng pababang pamunuan at saksihan ng COA. Ang lupon tagapamayapa, VAWC at Ex-O ng Barangay ay kailangan din magsalin ng mga kaso at mga libro nito sa bagong pamunuan.

Wala na munang magaganap na pagdinig ng reklamong sakopng Lupon hanggang hindi pa napipili ng bagong pamunuan ang bagong lupon tagapamayapa na binubuo ng 20 tao na ang mgapangalan ay kailangan ipaskil sa barangay hall para mabatid ng lahat na ang mga taong ito ay napipisil na magsilbi sa lupon at kung may tutol dahil may problema sa integridad ang tao ay dapat sabihin agad sa takdang panahon. Pagkaupo, kailangan pumili agad ang Kapitan ng bagong Kalihim at Ingat-Yaman na dapat sang-ayunan ng Sanggunian Baranggay. Sa madaling salita, hindi kayang gawin ang lahat ng ito sa loob ng isang araw o linggo.

​Dahil sa Mandanas Ruling , lalaki ng husto ang IRA ng mga barangay at SK.

Sayang ang pera kung sa mga walang kakwenta-kwentang pet project ang pagkakagastusan tulad ng Miss Gay, Mr Pogay, basketbol at sumba na hindi nakapaglalagay ng pagkain sa la mesa ng mahihirap. Kailangan manatiling mapagmatyag ang taong bayan sa bagong pamunuanng barangay at SK. Mali na manahimik at magsawalang kibo na lang kahit may nakikitang mali sa panunungkulan ang mga halal ng bayan. Mali rin na konsintihin ang kawalan ng programa ang pamunuan na hindi nagpapabuti sa peace and order, kalusugan, kalinisan ng barangay.

​Mahalaga ang papel ng mga Barangay at SK. Hindi sana mauwi sa kupitan at sikwatan ng kash ang panunungkulan ng mga bagong pamunuan. Hindi na bulag ang taong bayan sa kalokohan ng barangay. Kaya nga maraming incumbent saValenzuela City na suportado ng isang pamilya ang natalo. Tandaan ng mga nanalo na dalawang taon lang ang nalalabi sa inyong termino bago humarap muli sa taong bayan para maiboto muli sa puwesto. At ito ay nag-uumpisa sa maayos at mapayapang turn-over ng pamahalaang barangay.

AUTHOR PROFILE