Tulfo

Luzon grid red, Visayas yellow alert dahil sa poor power supply

April 18, 2024 PS Jun M. Sarmiento 60 views

ISINAILALIM ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) noong Abril 16 ang Luzon at Visayas Grids sa red at yellow alerts dahil sa mababang suplay ng kuryente.

Labing-siyam na planta sa Luzon at 12 na planta sa Visayas ang nagkaroon ng forced outage kaya kinulang ang kuryente sa bansa, ayon sa NGCP.

Nangyayari ang pagtaas ng mga alert level kapag kulang ang supply ng kuryente kumpara sa demand. Ibinaba na sa yellow alert ang Luzon grid samantalang nananatili sa yellow alert ang Visayas Grid.

Ayon kay Sen. Raffy Tulfo, “nakakabahala ang nasabing alert levels gayong una nang nagbigay ng pahayag si Department of Energy (DOE) Undersecretary Felix Fuentebella noong Pebrero na mayroong sapat na power supply sa bansa sa panahon ng El Niño.

Dagdag pa ng DOE, wala silang nakikitang power supply issues sa mga susunod na buwan.”

Bilang chairperson ng Senate Committee on Energy, nakikipag-ugnayan si Sen. Tulfo sa DOE at NGCP upang siguraduhin na ang mga kasalukuyan nating power plants maaasahan at hindi papalya, lalo pa ngayong napakainit ng panahon.

Binigyang diin ni Sen. Tulfo na dapat puspusan din ang monitoring ng DOE, NGCP at generation companies sa mga planta ng kuryente para maiwasan ang brownout na kalbaryo para sa mga consumer.

Ayon sa DOE, nakikipag-ugnayan na sila sa NGCP at mga generation companies para maiwasan ang brown out sa bansa.

Nagbigay din ng kautusan ang DOE sa mga distribution utilities at mga electric cooperatives na magpatupad ng mga interruptible load program.