Guadiz

LTO: Online transaction kontra ‘fixer’

October 1, 2022 Jun I. Legaspi 148 views

TARGET ng Land Transportation Office (LTO) na mapalakas pa ang mga transaksyon nito sa pamamagitan ng online kasabay ng pagpapaigting ng mga hakbang laban sa matagal nang problema sa mga tinatawag na “fixer.”

Kaugnay nito, nilinaw ng LTO ang mga ulat na ikinukonsidera ng ahensiya na buwagin na ang Land Transportation Management System (LTMS) online portal.

Binigyang-diin ng LTO na ang pinag-aaralang mabuwag ay ang online na pagsusulit ng mga nagpapa-renew ng lisensiya ng pagmamaneho o ang online “Comprehensive Driver’s Education” (CDE) online validation exam at hindi ang kabuuan ng online system ng ahensiya o ang LTMS.

Nauna nang inihayag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na nagagamit ng mga “fixer” ang online na CDE exam upang makasingil ng malaki sa mga nais magpa-renew ng kanilang driver’s license.

Isang technical working group (TWG) na ang binuo nuong nakaraang buwan upang ihanay ang mga hakbang na tutugon sa mga problema sa mga fixer, kabilang na rin ang pamemeke ng mga certificate ng driving schools.

Pinag-aaralan na ng TWG ang mga paraan upang matiyak na ang mismong aplikante sa renewal ng driver’s license ang humaharap sa seminar at pagsusulit at hindi ang fixer.

May pag-aaral na rin ang Management and Information Division (MID) ng LTO para palakasin ang online system nito nang hindi makalulusot ang mga nagbabalak mandaya sa proseso ng pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho.

“Ang kailangan lang doon, we feel is that kulang lang ‘yung app ng facial recognition for us to be able to effectively use the portal. If that feature is added, hindi na puwedeng mangdaya. Dapat kitang-kita ng portal ‘yung nag-eexam, ‘yung talagang may-ari ng driver’s license,” pahayag ni Guadiz sa naging pagdinig ng Senado.

“We’re in that process now of developing this facial recognition not only for this portal in renewing driver’s license but in our future plan also na ‘yung driver’s license renewal will now be done online,” dagdag ng LTO chief.

AUTHOR PROFILE