Default Thumbnail

Lolong na-stroke nakitang lumulutang sa dagat

August 1, 2022 Edd Reyes 325 views

NAGPAPAGALING pa lamang matapos ma-stroke ang 62-anyos na lolo nang makitang lumulutang na sa dagat sa gilid ng isang dike Linggo ng umaga sa Navotas City.

Isinugod pa ng kanyang mga kapitbahay sa Navotas City Hospital si Rodelio Pascual, mangingisda at residente sa naturang lugar, subalit patay na nang idating sa pagamutan sanhi ng pagkalunod.

Sa ulat na isinumite ni homicide investigator P/Cpl. Billy Godfrey Aparicio kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, naghihintay sina Randy Baluyot, 29 at Bayani Manalaysay, 65 na mag-umpisa ang larong basketball na kanilang panonoorin sa naturang lugar nang mapansin nila ang biktima na nakalutang na sa dagat malapit sa gilid ng dike.

Napag-alaman na nagpapagaling pa matapos dumanas ng stroke ang biktima kaya’t pinayuhan siya ng kanyang doktor na magpa-araw tuwing umaga at sumamyo ng sariwang hangin sa tabing dagat na kanya namang ginagawa.

Gayunman, dakong alas-9 ng umaga nang makita ng kanyang mga kapitbahay si Pascual na lumulutang sa dagat at hinihinalang nahulog habang nagpapa-araw at sumasamyo ng sariwang hangin.

Walang nakitang palatandaan na biktima ng karahasan si Pascual dahil wala anumang sugat na tinamo siya sa kanyang katawan.

AUTHOR PROFILE